Una sa Balita

Representative democracy sa Medical Marijuana Bill

By
0 351

Hindi bababa sa 30 bansa na sa buong mundo ang nagsabatas ng iba’t ibang pamamaraan ng legal na paggamit ng marijuana o cannabis.

Dito sa atin, painit nang painit ang usapin tungkol sa House Bill No. 180 o ang ‘Philippine Compassionate Medical Cannabis Act’ – ang panukalang batas na nagsusulong sa marijuana bilang gamot sa mga may sakit.

Nitong nakaraang Miyerkoles, naging masigla ang debate at balitaktakan sa plenaryo habang isinusulong ng isa sa mga Sponsor at Principal Author ang panukala.

Para sa mga proponent ng panukala, may malaking potensiyal ang marijuana sa larangan ng panggagamot, lalo na sa ilang malala, ‘di gumaga­ling, at nakapanghihinang kondisyong pangkalusugan. Ayon sa ilang pag-aaral, maaaring malunasan ng marijuana ang arthritis, epilepsy, multiple sclerosis, cerebral palsy, infantile spasms, pati na ang cancer, AIDS symptoms, at marami pang iba.

Kahit hindi pa legal ang paggamit ng marijuana bilang isang paraan­ ng paggamot, may mga Filipino na ang nagiging takbuhan ito. Nasubaybayan natin ang kaso ng isang 9-taong bata na nagsi-seizure nang malala at maraming beses sa isang araw.

Nagpunta siya sa ibang bansa kasama ng kanyang mga magulang para magpatingin at niresetahan ng medical marijuana para matugunan ang kanyang karamdaman. Mula nang gumamit siya­ nito, lumilipas na ang buong araw at magdamag na hindi siya nagsi-seizure. Nakalulungkot lang na sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas, balik na naman siya­ sa dating paghihirap dahil hindi niya masunod dito sa atin ang payo ng doktor.

Sa kabilang banda, marami namang tutol sa panukula dahil sa pa­ngambang makasasama ito sa kabataan at sa lipunan. Hindi naman kaila sa lahat ang mga panganib ng marijuana kaya nga bawal ang paggamit nito.

Ayon sa mga kontra, magiging paraan lang ang panukala ng iresponsable at pang-high lang na paggamit ng tsongki ng mga adik. Bibigyan nito ng pagkakataon ang lantarang pang-aabuso dahil hindi naman ito mababantayan nang husto. ‘Di ba’t ordinaryong gamot nga na kailangan ng reseta, nabibili over-the-counter nang walang aberya? Paano pa ito?

Malaking pagkabahala ang ipinahayag ng ating iginagalang na kasamahan sa Kamara na si Congressman Lito Atienza nang kanyang sabihin na maaari tayong ma­ging ‘nation of zombies.’ Dagdag pa ng Philippine Medical Association, wala pang napatunayang napagaling na sakit ang marijuana.

Nilalaman ng panukala na magiging estrikto ang regulasyon sa pagbenta ng marijuana sa mga center na awtorisado lang ng Department of Health at ng Food and Drug Administration habang nakabantay naman ang Philippine Drug Enforcement Agency sa mga talamak na gagamit nito.

Bibigyan ng I.D. ang mga pasyente at magkakaroon ng mga doktor na espesyalista sa medical marijuana bilang pang­lunas sa mga may sakit.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More