Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tuwang hatid sa mga Aeta

0 375

Sa mga nakaraang na taon, kasama sa misyon ng inyong lingkod at ng Ako Bicol Party-list ang maghatid ng ngiti at saya sa ating mga kababayan.

Sa katunayan, marami na po tayong naipamahaging telebisyon sa mga nangangailangan. Kasabay nito ang mga laptops at tablets para sa mga mag-aaral na sumasalang sa distance learning.

Ngunit kaiba ang naramdaman kong tuwa nang matupad ko ang matagal nang pangarap ng mga kapatid nating Aeta sa Camarines Norte – ang magkaroon ng telebisyon.

Kamakailan ay sinadya ng inyong lingkod at ni Cong. Alfredo Garbin Jr. ang Sitio Igang, Batubalani sa bayan ng Paracale, Camarines Norte upang pasinayaan ang Solar Powered Water Supply System Level II. Ang naturang water system ay adbokasiya ng Ako Bicol Party-list at partner nating Aksyon Co Center. Katuwang din natin sa proyektong ito si Senador Juan Edgardo Angara.

Hindi po inalintana ng aming grupo ang layo at hirap ng pagpunta sa Sitio Igang. Nakakataba kasi sa pusong makita ang ating mga kababayang Bicolano na magkakaroon na nang permanenteng pagkukunan ng malinis tubig. Hindi na nila kailangang maghanap at maglakad ng malayo upang umigib. ‘Di na rin nila kailangang magtiis sa kulay tsokalateng tubig sa kanilang lugar.

Matapos ang pagpapasinaya sa water project, inasikaso ko naman po ang mga kapatid nating Aeta sa nasabing lugar. Pinagbigyan natin ang matagal na nilang kahilingang television set. Para sa mga tulad nilang naninirahan sa malayong lugar, napakalaking bagay ngayong may krisis sa bansa ang pagkakaroon ng pagkukunan ng balita at kaunting aliw. Alam po natin na marami sa mga Aeta ang hirap magbasa’t magsulat, ngunit sa pamamagitan ng telebisyon ay mapapaangat natin ang kanilang kaalaman.

Sa puntong ito, nais kong ibahagi sa inyo na isa po ang inyong lingkod sa nagsusulong sa Kongreso ng panukalang batas para sa karapatan ng mga katutubo. Nakapaloob po ito sa House Bill No. 8243 na tinaguriang “An Act Protecting and Promoting the Rights to Equality and Non-Discrimination on the Basis of Race, Ethnicity ang Religion.”

Kasama po sa bibigyang proteksyon ng panukalang ito ang mga indigenous cultural communities at indigenous people dahil ating ipagbabawal ang iba’t-ibang uri ng diskriminasyon sa kanilang hanay.

Malaking hamon sa pamahalaan ang pagkakaloob sa mga Aeta ng tulong pangkalusugan, kabuhayan at edukasyon. Ngunit sa kabila ng ating limitadong pondo, nagsisikap ang inyong lingkod na abutin ang ating mga kababayan kahit sila’y nasa malayong lugar.

Aming kasiyahan sa Ako Bicol na maging bahagi ng buhay ng ating mga kapatid na Aeta sa Bicol Region. Hanggang sa muli mga kababayan kong Bicolano.

Leave A Reply

Your email address will not be published.