Una sa Balita

Renewal at hindi extension sa prangkisa ng ABS-CBN

0 638

Iba’t iba ang bersyon ngayon mula sa mga senador at kongresista hinggil sa magiging kalagayan ng prangkisa ng broadcasting na ABS-CBN.

May mga senador at kongresista na gustong i-extend o palawigin muna ang kasaluku­yang prangkisa.

Nagbigay din ng opinyon ang Department of Justice na maaaring magbigay ng basbas ang National Telecommunications Commission (NTC) para sa provisional permit upang makapagpatuloy sa operasyon ang ABS-CBN.

Pero kung provisio­nal permit to operate ang ibibigay sa ABS-CBN ay magsisilbing sunod-sunuran ang broadcast network at hindi maaaring maglabas ng mga balita na batikos o laban sa Duterte administration.

Ang NTC kasi ay nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Office of the President kung kahit tiyak na tila may nakaambang itak sa leeg ng ABS-CBN sa anumang pagkakamali nito.

Kapag ito ang nangyari ay tila mas masahol pa sa government broadcast network ang ABS-CBN dahil sa takot na maihinto ang operas­yon nito.
Kaya anumang oras ay puwedeng kanselahin ng NTC ang permit sa isang kumpas lang ng Malacañang.

Bakit extension or pansamantalang permit eh maaari namang madaliin na dinggin na ang mga panukalang batas na naglala­yong ipa-renew na ang prangkisa ng ABS CBN.

Mas makakabuting agad ng desisyunan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung bibigyan ba ng pagkakataon ang ABS-CBN na ma-renew ang kanilang prangkisa o hindi na.

Kahit isang buong araw na mag-hearing ang mga Kongresista ay kaya nitong tapusin ang kanilang trabaho upang maiakyat na ito sa Senado.

Maaaring magtrabaho ang mga kongresita at senador, at ipaubaya na sa Pangulo kung lalagdaan o ibabasura sa pamamagitan ng pag-veto.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More