Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Rematch sa PH Cup: Williams, Lee papasiklaban

0 110

REMATCH agad ng Philippine Cup championship series sa pagitan ng Magnolia at TNT ang tampok na sultada sa opening ng PBA Season 47 sa Hunyo 5.

Double-header pa ang mga laro, magpapakilala ang bagong saltang Converge FiberXers laban sa Rain or Shine sa 4:30 pm.

Bago ang bakbakan ay ang Leo Awards muna ng 2 pm.

Sa Smart Araneta Coliseum ang unang dalawang playdates bago lilipat sa Ynares Center sa June 9.

Linggo, Miyerkoles, Huwebes, Biyernes at Sabado pa rin ang mga laro.

Nakamata ang karamihan sa magsasapawang sina Mikey Williams ng champion Tropang Giga at Paul Lee ng runner-up Hotshots Pambansang Manok. Sila ang nanguna sa kanilang mga kampo sa scoring sa Season 46.

Nag-average ang Fil-Am rookie ng 19.5 points sa 39 games, samantalang nagposte ang Angas ng Tondo ng 15.5 pts. per game.

Sa unang conference ni Chot Reyes bilang balik-coach ng TNT, tinalo ng Tropang Giga ang Hotshots sa limang laro finals sa DHSVU gym sa Bacolor.

Sa Leo Awards kikilalanin ang mga indibidwal na nag-shine ng nakaraang taon sa pangunguna ng season MVP at Rookie of the Year.

Gitgitan sina Scottie Thompson ng Ginebra, Calvin Abueva ng Ginebra, Robert Bolick ng NorthPort at Williams sa MVP. Si Williamsdin ang frontrunner sa ROY. (Vladi Eduarte)

Leave A Reply

Your email address will not be published.