Una sa Balita

Relokasyon sa build program ipatupad

0 83

Ipinangako ng mga economic manager ng kasalukuyang administrasyon na magiging “golden age” ng bansa ang pagsusulputan ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Build program nito.

Itinutulak po ng administrasyong Duterte ang ambisyosong programa nito na “Build, Build, Build” sa pag-asang magpapasigla ito sa ating ekonomiya na sa kalaunan ay ang mga mahihirap ang makikinabang.

Kapuri-puri po naman talaga. Sa wakas ay baka ito na nga rin ang sagot sa talamak na problema sa trapiko.  

Marami po talagang pangakong pagbabago ang hatid ng Build program. Ang sarap namnamin.

Pero habang marami itong dalang bentahe sa buhay ng mga kababayan natin, sigu­ro ay importante rin pong isipin natin na mas marami ring Pinoy ang mapeperwisyo dahil tiyak na mawawalan sila ng mga tirahan na masasagasaan sa pagpapatupad ng ambisyosong programa ng gobyerno.

Bilang chairman ng committee on hou­sing and urban development sa Kongreso,  napakarami pong reklamo ang natatanggap ko mula sa mga informal settler group at homeowners association na ngayon pa lang ay balisa na dahil direkta raw silang maapektuhan ng progra­mang ito.

Tulad na lang po ng gagawing NLEX-SLEX Connector Road at South Commuter rail na ngayon pa lang ay dapat ng pag-isipan kung saan ire-relocate ang mga maaapektuhang informal settler at mga pribadong private homeowner sa Metro Manila.

Kasama po ang Committee on Transportation, humiling ako ng pag-uusap sa pagitan ng mga concerned agency ng pamahalaan para sa paglalatag ng relocation plan sa mga maaapektuhan ng proyekto.

Nag-imbita rin po ang inyong lingkod ng mga informal settler para malaman nila ang mga mangyayari dahil sila naman talaga ang direktang maaapektuhan ng proyekto.

Hindi nga po ako nagkamali. Kulang sa impormasyon ang mga maapektuhan ng Build program at lalong  kulang sa konsultasyon ang mga ahensya ng gobyerno mula sa mga kawawang mawawalan ng bahay.

Sabi ng isang informal settler, hindi naman daw sila kontra sa proyekto dahil ang publiko naman ang makikinabang dito.

Ang hiling lang nila ay respeto. ‘Yung ipaalam man lang sana sa kanila bago maging pinal ang gagawing proyekto. Siguro naman daw ay maaari silang magmungkahi ng mga alternatibong ruta na kaunti lang ang maaapektuhan at hindi ‘yung mawawalis sila lahat sa tinitirhan nila.

Sana raw ay nasa­bihan muna sila para makapaghanda naman sila sa napipintong relokasyon nila.

Isa pang natutuhang leksyon mula sa hiningi kong dayalog ay dapat lahat ng mga development plan sa mga infrastructure project ay may katapat na  resettlement plan para sa mga maaapektuhang pamilya.

 At dapat lang din na hingan ng NEDA ng resettlement plan ang mga aaprubahang proyekto bukod pa sa presentation ng cost-benefit analysis.

Makakamenos ba ang gobyerno kung ire-relocate nila ang mga ISFs sa nais nilang ruta o dapat ba silang mag-isip ng alternatibong ruta kung saan ay kaunti lang ang kaila­ngang mailipat?

Isa pa pong dapat na ikonsidera rito ay kasama na dapat sa kabuuang budget ng isang infrastructure project ang gastusin para sa relokasyon ng mga informal settler pati na rin ang compensation o ibabayad sa mga private home­owner na masasaga­saan ng Build program ng gobyerno.

Panahon na po para tingnan natin ang mga development project ng gobyerno sa mas malawak na aspeto.

Paano po natin makakamit ang pag-unlad kung hindi naman tayo magiging patas sa mga maapektuhang pamilya?

Puwede naman po na pagsabayin ito hindi po ba?