Relief goods ng mga nilindol tinangkang nakawin
NABULILYASO ang tangkang pagnanakaw ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek sa storage unit ng mga relief goods para sa mga biktima ng malalakas na paglindol sa Mindanao.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Capt. Armando Balilo, pinasok ng tatlong kalalakihan ang nasabing storage unit sa Port Area, Manila bandang alas-12:30 Linggo nang hatinggabi.
Natuklasan ang insidente nang magsimulang ikarga ng mga tauhan ng PCG ang mga relief goods tulad ng mga gamot, tent, at inuming tubig sa kanilang Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Malabrigo.
Related Posts
Bagama’t wala namang nakuhang sa mga relief goods, tinangay naman ng tatlong suspek ang tatlong cellphone at isang bag na pag-aari ng mga naka-duty na personnel ng PCG.
Nabatid na dumaan sa bintana ng bodega ng Gwapotel sa nasabing lugar ang tatlong suspek kaya nagawa nilang buksan ang entrance door ng storage unit nang hindi namamalayan ng mga on-duty personnel.
Nakatakdang umalis ang barko ng Coast Guard Linggo nang gabi patungo sa Davao subalit kailangan nitong dumaan muna sa Zamboanga para kuhanin ang iba pang mga relief goods doon. (Edwin Balasa)