Una sa Balita

Reklamo sa smart-mvp buhos araw-araw

By
0 771

ARAW-ARAW nakakatanggap umano ng maraming reklamo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay sa palpak na serbisyo ng Smart.

Ang Smart ay isa sa mga kompanyang pag-aari ng 71-anyos na binatang negosyante na si Manuel V. Pangilinan
“Halos araw-araw ay mayroon kaming natatanggap sa social media at sinisita kami sa hindi magandang serbisyo,” pahayag ni DICT Officer-in-Charge Eliseo Rio Jr.

Dahil dito kung kaya’t ginagawa na aniya ng DICT ang lahat ng mga hakbang para matupad ang ipinangako ng administrasyong Duterte na magkaroon ng 3rd telco player upang magkaroon ng masinsinang kompetis­yon sa telecommunication industry.

“Ito ho ay matagal ng clamor,” ani Rio.

Konting panahon na lamang aniya ang hihintayin ng mga Filipino para sa pagdating ng 3rd telco player.

“Ang best efforts namin mga end of August mayroon na tayong 3rd telco, this year. Makakasigurado tayo diyan.
Talagang we are doing our best, tinutulungan na tayo ng oversight committee,” ani Rio.

Matatandaang unang ipinangako ng gobyerno na magkakaroon ng 3rd telco player sa unang quarter ng 2018 ngunit hindi naabot ng DICT ang target.

Inihayag din ni Rio na isa sa mga dahilan kung bakit naantala ang pagpasok ng bagong telco player ay ang limitasyon sa foreign ow­nership ng mga public utility sa 40 porsiyento.