Una sa Balita

Rehistrasyon ng mga botante arangkada na

0 246

SINIMULAN ngayon araw ng Commission on Elections (Comelec) ang panibagong voters registration para sa 2022 National and Local Elections (NLE) sa bansa.

Kasabay nito ay hinikayat ni Comelec Spokesperson James Jimenez ang mga botante na samantalahin ang pagkaka­taon at maaga nang magparehistro upang makaboto sila sa susunod na halalan.

“Start na sa Monday ang #VoterREg2020. Ano? #MagpaRehistroKa na,” panawagan pa ni Jimenez sa kanyang Twitter account na @jabjimenez.

Dapat ay sa Hulyo 6, 2020 pa ang pagsisimula ng voter registration para sa 2022 NLE, ngunit nagpasya ayon kay Jimenez ang Comelec na ipagpatuloy ang voter registration ngayong araw matapos na tuluyan nang ipagpaliban ng Kongreso ang Mayo 11, 2020 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Nabatid na maging ang mga persons with disability, senior citizen at mga miyembro ng Indigenous people (IP) o Indige­nous Cultural Community at iba pang miyembro ng mga vulnerable sector ay maaari na rin umanong magpa-update ng kanilang record mula sa poll body sa mga nasabing petsa.

Ang aplikasyon at pag-update ng record ay dapat na personal na isasagawa ng botante sa Office of the Election Officer sa lungsod o munisipalidad kung saan nakatira mula Lunes hanggang Sabado, kasama ang holiday, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Samantala, nilinaw naman ng Come­lec na ang mga botanteng nakapagparehistro na noong Mayo 13, 2019 midterm election ay hindi na dapat pang muling mag-apply. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More