Una sa Balita

Rehabilitasyon ng Marawi bantayan sa korapsyon

0 130

Kailangang mabantayan laban sa korapsyon ang rehabilitasyon ng Marawi City.

Tiyak kasi na ngayon pa lamang ay maraming kompanya ang naghahangad nang magkaroon ng bahagi sa mga proyektong impraestraktura na ipapagawa ng pamahalaan para maibangon ang siyudad na nawasak sa digmaan laban sa mga terorista.

Kung baga sa naaksidenteng sasakyan ay ‘total wreck’ talaga ang Marawi. Wasak na wasak. Kinakailangan ng milyon-milyong halaga para sa pagbangon ng lungsod.

Dito papasok ang mga proyektong impraestraktura na popondohan ng malaking halaga ng pamahalaan.

Related Posts

Siguradong maglalaway ang mga kontra­tista. Mag-uunahang makakuha ng kontrata.

Dahil malaking halaga ang gugugulin, tiyak na ngayon pa lamang ay mayroon din nag-iisip na mga opisyal at kawani ng pamahalaan kung paanong magkakaroon din sila ng parte sa mga kontrata.

Sa ganitong paraan pumapasok ang korapsyon. Nagkakaroon ng pagsasabwatan para wika nga ay ‘everybody happy’ habang nasasakripisyo naman ang mga proyekto dahil nabubulsa ang ibang pondo.

Subalit kilala naman natin ang Pangulong Rodrigo Duterte na sukdulan ang galit sa mga opisyal man o kawani ng pamahalaan na nasasangkot sa katiwalian.

Mayroong paglalagyan ang mga taong kukurakot sa pondong ilalaan sa pagbangon ng Marawi kapag ‘naamoy’ ng Pangulo ang inyong anomalya.