Una sa Balita

Reenacted budget ‘wag tanggapin

0 294

Habang binabasa ninyo ito, malamang ay hindi pa rin naipapasa ng Kongreso ang 2019 budget. Nasa unang linggo na tayo ng ikalawang buwan ng 2019. Ibig sabihin, ang budget ng lahat mga panukalang programa ng mga ahensya ng pamahalaan sa taong ito ay ang halagang nakasaad sa 2018. Mas mababa ang nakalaang pondo.

Kailangang maintindihan din ng taumbayan na taon-taon ay itinataas ng mga ahensya ang kanilang budget. Isinasama sa taunang pagtaas ng budget ang paglaki ng ating populasyon at paglaki ng pangangailangan ng taumbayan bawat taon. Ibig sabihin nito, kinikilala ng pamahalaan na dapat ay umuunlad at lumalawak din ang programa at serbisyong ibinibigay sa taumbayan sa paglipas ng taon.

Ito po ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi dapat natin tanggapin ang re-enacted budget. Hindi po ito dumaan sa masusing pag-aaral at hindi naisaalang-alang ang mga kailangang pagbabago at pag-unlad.

Lumalabas na hindi ginawa ng Kongreso ang pinakamahalagang papel nito sa pamamahala kung hindi sila nakapagpasa ng budget. Ang masusing pag-aaral ng budget para may check and balance ang panukala ng executive ang pinakamalaking bahagi ng Kongreso sa ilalim ng demokras­ya. Malaking kakula­ngan ng Kongreso at higit na mas malaking problema ang idudulot nito sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyo.

Ang nakitang lump sum sa mga budget item na diumano’y naisingit ng ibang mga mambabatas ang malinaw na halimbawa ng abusong dulot ng kawalan ng check and ba­lance sa prosesong dinadaanan ng mga institusyon ng Kongreso at executive. Kung walang masu­sing pag-aaral, tiyak na malulusutan ang taumbayan sa mga proyektong gagamitin sa kampanya ng mga politiko lalo na’t papalapit na ang eleksyon. Kaugnay nito, tiyak na hindi mababahaginan ang mga oposisyon dahil gagamitin ng mga naghahari sa politika ang kanilang kapangyarihan para gipitin ang kabilang panig. Alam kong ginagawa ito ng anumang administrasyon kaya’t isa ito sa mga tinutulan ko noong ako’y nakaupo bilang kinatawan ng ika-apat na Distrito ng Quezon at deputy speaker ng 15th Congress.

Ang pinakamalungkot po nito ay mahuhuli ang pagpapatupad ng mga nakalagak na proyekto ng pamahalaan kahit maipasa ang 2019 budget bago ang recess para sa darating na eleksyon.

Sana’y isang malaking aral ito sa ating mga kababayan. Suriin po nating mabuti kung sino ang nakapaglilingkod ng tama sa ating mga mambabatas. Hindi po biro ang trabaho ng isang senador. Kilalanin natin ang ating mga kandidato.