Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Red-tagging ng “red tape” sa COVID vaccine

0 282

Sa dami ng mga problemang ginawa ng coronavirus at ng pandemya sa Pilipinas, kuba na ang pamahalaan sa bigat ng problemang dinadala.

Nasimot ang pondo dahil sa pagbagal ng ekonomiya at sa dami ng lumabas na perang pang-ayuda sa mga tao at sektor na tinamaan ng pandemya.

At heto naman ngayon ang malaking pagkakagastusan – ang malawakang pagbabakuna sa mga Pilipino upang matuldukan ang salot na COVID-19.

Sa ganitong sitwasyon, kapag may nag-aalok ng kanilang tulong upang mapagaan at masolusyunan ang problema ng pamahalaan, tama lang na hayaan sila at tanggalin ang balakid na naglilimita sa kanilang pagtulong.

Ang tinutukoy natin ay ang napipintong pagbili ng pamahalaan sa 148 milyong bakuna upang maging ligtas ang kalahati ng populasyon ng Pilipinas sa epekto ng COVID-19.

Sinasabi ng mga eksperto na upang magkaroon ng herd immunity o pagkabantad laban sa coronavirus, kinakailangang mabakunahan ang 60% ng populasyon sa ating bansa. Meron tayong 110 milyong mamamayan sa bansa, kaya’t ang target ng pamahalaan ay mabakunahan ang 50 milyon hanggang 70 milyong Pilipino.

Subalit may pumipigil sa alok na tulong ng local government units (LGUs) at pribadong sektor na ilibre ang pamahalaan sa karagdagang paggastos sa pamamagitan ng pagbili nila ng sariling bakuna.

Isang regulasyong ginawa ng Food and Drug Administration (FDA) noong nakaraang buwan ang humaharang upang mabilis na makatulong ang LGUs at pribadong sektor sa pagbili ng bakunang maituturok sa kanilang mga nasasakupan.

Dahil sa FDA regulation na ito, parang sinasabi ng pamahalaan na sila lang ang pwedeng bumili ng bakuna, kahit pa may sariling perang pambili ang LGUs at pribadong sektor.

Hindi ba’t mas makakabawas sa intindihin at gastos ng pamahalaan kung papayagan na lang nila ang LGUs at pribadong sektor na direktang makipag-usap sa mga vaccine makers at bumili ng bakuna? Sa ganyang paraan, mas mabilis ang transaksyon at wala nang “tulay” o third party na dadaanan, at mas mabilis maisasakatuparan ang pagbakuna sa mas maraming tao.

Dahil sariling pondo naman nila ang gagamitin, hayaan natin silang pumili kung anong klase o brand ng bakuna ang nais nilang bilhin. Importanteng banggitin dito na kalahati ng bakunang bibilhin ng pribadong sektor ay awtomatikong ido-donate sa pamahalaan bilang tulong sa pandemya.

Ilang beses nating tinanong ang mga kinatawan ng pamahalaan kung ano ang “downside” o masamang epekto sakaling hayaan ang mga LGUs at pribadong sektor na makabili ng sariling bakuna. Subalit pawang malalabo at paikot-ikot na sagot ang narinig natin sa Senate Committee of the Whole noong Lunes.

Sa ganitong panahon na kulelat na nga tayo sa pagbili ng bakuna at uutangin pa rin ang pondong ipambibili sa 148 milyong bakuna, malaking tulong ang inaalok ng LGUs at pribadong sektor sa pamahalaan. Bawas sa gastos, bawas sa administrasyon ng bakuna at mas mapapabilis pa ang pagturok ng bakuna.

Alam nating galit ang Pangulong Duterte sa red tape na nagpapabagal sa mga ahensya ng pamahalaang magampanan ang trabaho sa mabilis na paraan. Itong isyu sa pagbili ng bakuna ay isang halimbawa ng kinasusuklamang red tape.

Magtulong-tulong po tayong mapabilis ang pagbili at pagturok ng bakuna para sa lahat ng Pilipino. Mas maraming Pilipino ang mabakunahan sa lalong madaling panahon, mas mabilis ang recovery ng bansa mula sa bagsik ng pandemya.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.