Una sa Balita

Red scare

0 133

Hindi ko alam kung saan hinugot ng Armed Forces of the Philippines ang “intelligence information” na nagre-recruit ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa mahigit 10 unibersidad dito sa Metro Manila bilang bahagi ng planong pagpapatalsik sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa AFP, bahagi umano ng “Red October” communist plot ang pagpapalabas sa mga unibersidad ng mga do­cumentary films na tumatalakay sa Martial Law at ang mga pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Nakalimutan marahil ng AFP na bahagi ng academic freedom ang mga diskusyon tungkol sa Martial Law at diktadurang Marcos. Bahagi rin ng academic freedom ang pagtuturo ng Mar­xismo patikular ang pilosopiya nitong dialectical materialism at political economy na pag-aaral sa internal na batas ng kapitalismo.

Kaya nga nakakatawa pati si Director General Oscar Albayalde dahil sa maling reaksyon nito hinggil sa mga estud­yante ng Unibersidad ng Pilipinas at iba pang isinasangkot na state universities and colleges sa “Red October” na wala umanong mga utang na loob sa gobyerno.

Nakalimutan ni Alba­yalde na ang mga SUCs pati na ang Philippine Military Academy na pinagmulan ng PNP chief ay patuloy na umiiral dahil sa mga buwis na ibinabayad ng taong ba­yan kaya nga ang tawag sa mga istudyante ng SUCs ay mga “iskolar ng bayan.”

Pero mabalik tayo sa rekrutment ng mga istudyante para sa “Red October.” Alam ng mga intelligence officers na ispesyalista sa kilusang komunista na walang mass recruitment na ginagawa ang CPP at maging ang New Peoples Army sa mga unibersidad.

Ang siste, may mga maka-kaliwang student organizations sa mga university campus na nagre-rekrut ng mga miyembro na nagiging aktibista. Mula naman sa hanay ng mga abanteng aktibista nagrerekrut ng mga miyembro ang lokal na sangay ng Partido Komunista. Mahaba ang proseso ng rekrutment at ito ay para maiwasan na mapasukan ng mga ahente ng estado ang partido.

Kaya nga halatang kalokohan ang “Red October” dahil ang layunin lang nito ay maghasik ng takot sa puso at isipan sa hanay ng mga istudyante na hindi pa organisado nang sa gayon ay hindi na sila sumama sa mga maka-kaliwang grupo sa kampus.

“Red scare” ang esensya ng Red October na matagal nang taktika ng militar na nagsimula noon panahon ng “cold war” kung saan magkalabang mortal pa ang Unyong Sobyet at Estados Unidos pagkatapos ng World War II.

Tama lang na imbestigahan ng Kongreso ang panibagong “red scare” na inihahasik ng AFP dahil wala itong puwang sa ilalim ng umiiral na demokrasya sa ating bansa.

Ang tanong na nga lang ay kung mabilis na maaaprubahan ang H.R. 2229 ng mga kongresista na nasa pamumuno ngayon ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na minsan na ring nagtangkang ipakulong ang mga miyembro ng Makabayan bloc sa ilalim ng kanyang administrasyon. Abangan.