Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Recover plan ng gobyerno

0 577

Natapos na po ang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte at inilahad niya ang mga plano para sa kanyang natitirang dalawang taon ng kanyang termino pati na ang legislative measures na nais niyang maipasa ng Kongreso.

Sa simula ng kanyang talumpati ay inilahad ng Presidente ang kinakaharap na matinding pagsubok ng gobyerno dahil sa pandemya na yumanig sa buhay ng mga Pilipino at gobyerno at nagpadapa sa kabuhayan ng bansa.

Pero sinabi ng Pangulo na may mga plano ang gobyerno para matiyak na makakabangon ang bansa sa epekto ng COVID -19 pandemic na ilang buwan ng nararanasan ng mga Pilipino habang naghihintay ng bakunang pangontra sa bagsik ng COVID-19.

Partikular po dito ang proposed Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2) na naglalaman ng stimulus package at muling bubuhay sa ekonomiya ng bansa.

Hindi naman po kaila sa sambayanan na nawala ang sigla ng ekonomiya matapos manalasa sa bansa ang coronavirus dahil kailangang pansamantalang isara ang mga industriya at kabuhayan para makaligtas sa peligro ng COVID-19 ang mga Pilipino.

Nakapaloob sa stimulus package na ito ang malaking pondo para tulungan ang iba’t ibang sektor na naapektuhan ng COVID-19 at makapagsimulang bumangon muli para maibalik ang dating sigla ng ekonomiya ng Pilipinas.

Sa kanyang talumpati, hiniling po ni Pangulong Duterte sa mga kongresista at mga senador na sana ay mabilis na maipasa ang Bayanihan to Recover as One Act gaya ng mabilis na pagpasa sa Bayanihan to Heal as One Act noong nagsisimula pa lamang ang pananalasa ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Nakapaloob po sa stimulus package ang ilang mga panukalang batas na kailangang maipasa ng Kongreso para makabawi at makabuwelo muli ang ekonomiya at makabalik sa dating sigla at lakas nito.

Kabilang sa mga hiniling po ng Presidente ay ang mabilis na pag-aksiyon sa Corporate Recovery and the Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act na ang layunin ay putulin ang corporate income levy at bigyan ang gobyerno ng flexibility na magbigay ng fiscal at non-fiscal incentives.

Bukod pa rito, ang kahilingan din ni Pangulong Duterte sa Kongreso na maipasa ang panukalang Financial Institutions Strategic Transfer o FIST para makapagtatag ng mga mekanismo at payagan ang mga bangko at iba pang financial institutions na magamit at maisalin ang mga non-performing assets at mga pautang sa asset management companies para magamit ito ng gobyerno.

Nakikita rin po ng Pangulo na malaking pag-asa para sa gobyerno ang pagtutok sa pamumuhunan sa imprastruktura ( infrastructure investment ) para epektibong makabuwelo muli sa pagpapaangat ng kabuhayan ng mga Pilipino at makahikayat ng mga mamumuhunan, at makapagbigay ng trabaho sa maraming Pilipino.

Dahil dito, inatasan po ni Pangulong Duterte ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ituloy ang mga malalaking proyektong naudlot dahil sa pandemic gaya ng North Luzon Expressway Harbor-link, NLEX-SLEX connector, ang Cavite -Laguna Expressway, Metro Manila Skyway Stage 3, Subic Freeport expressway Project at iba pang malalaking infrastructure projects.

Binigyang-diin din po ng Presidente na mahalagang magkaroon ng trabaho agad ang maraming Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa krisis kaya inatasan nito ang Techical Education and Skills Development Authority (TESDA) na maglunsad ng online livelihood and skills training para makapagsimula ng kahit na maliit na negosyo ang mamamayan.

Inatasan din po ng Pangulo ang ilang ahensiya ng gobyerno sa kanyang SONA partikular ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa ng agri-business projects at entrepreneurship projects para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho para makapagsimula at makabangon muli.

Paiigtingin naman po ng gobyerno ang pagtulong sa mga maliliit na negosyo, partikular ang micro, small at medium enterprises o ang MSMEs sa pamamagitan ng pagpapahiram ng kapital at business operations support. Sa katunayan, nagtatag na ang DTI ng P1 billion COVID-19 Assistance to Restart Enterprises o CARES program, ito ay zero-interest loans para sa MSMEs.

Dahil maraming apektadong maliliit na negosyo, inatasan po ni Pangulong Duterte ang Bangko Sentral ng Pilipinas at iba pang bangko na bigyan ng palugit ang mga may utang na maliliit na negosyante at huwag patawan ng penalties at multa ang mga ito.

Malinaw po ang mensahe ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA , taliwas sa puna ng mga kritiko at oposisyon na wala umanong nabanggit ang Presidente na konkretong plano kung paano makabangon sa epekto ng COVID-19.

Kahit kailan naman, basta galing po sa oposisyon ay wala silang nakikitang maganda sa ginagawa ng Presidente kahit nagdudumilat ang katotohanan na sa pagsisimula pa lamang ng hagupit ng pandemya ay naging abala na ang pamahalaan hanggang ngayon sa pagtugon sa pangangailangan at pagtiyak sa kaligtasan ng sambayanan. Magpapatuloy po ito hanggang sa makabangon muli ang gobyerno at ganap ba mawala ang pandemya.

Mahalaga pong magtulungan ang gobyerno at mamamayan para mapagtagumpayan ang pandemya. Umaasa ang Malacañang na agad aaksiyonan ng Kongreso ang mga hiniling ng Pangulo sa kanyang SONA para makabawi ang gobyerno at makabangon para sa mas masiglang ekonomiya at makabalik sa normal na pamumuhay ang mga Pilipino.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.