Una sa Balita

Reclamation sa Alaminos isinumbong kay Duterte, DENR, DILG

0 529

PUMALAG ang mahigit 100 resi­dente ng Brgy Lucap, Alaminos City, Pangasinan matapos umanong tabunan ng lupa ang kanilang dalampasigan at tayuan ng mga commercial establishment ng ilang maimpluwensiyang opis­yal sa kanilang lugar.

Nagsampa ng reklamo laban kay Alaminos City Mayor Arthur Celeste ang may 138 mangingisda sa naturang lungsod sa tanggapan nina Pangulong Rodrigo Duterte, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu at Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Martin Diño.

Labis umanong naapektuhan ng reklamasyon ang kanilang kabuhayan dahil hindi na makadaong sa dalampasigan ang kanilang mga bangka para maghatid ng mga turista sa Hundred Islands.

Ang bagong restaurant umanong itinayo doon ay pag-aari ni Brian Celeste, anak ng kanilang mayor. Gayundin ang isa pang cafe na itinayo ay pag-aari naman umano ni Bani Mayor Gwen Yamamoto.

“Bakit inapakan ni Mayor Celeste ang aming mga karapatan, pinalayas nila ang mga tindera at bangka sa dalampasigan, tinabunan, para lamang sa kapaka­nan ng pamilya Celeste at mga alipores nila?” ang galit na sigaw ng taumbayan na isa-isang lumagda sa mga demanda.

Wala umanong aksyon sa reklamo ang kanilang barangay chairman na si Raul Bacay, at CENRO o City Environment and Natural Resources Office.

Tinangka namang hingan ng reaksyon ang mga inaakusahang opisyal subalit hindi makontak ang mga ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy