Una sa Balita

Rebolusyonaryong gobyerno?

By
0 63

Wala akong problema dito.

Kung ito ang magpapatino sa lahat ng mga abusado at walang di­siplinang Pilipino.

Kung ito ang magpapabago sa ugali ng mga Pilipino, na laging gustong makalamang at ayaw lumaban nang patas.

Wala akong problema sa ganitong sistema kung ang makikinabang ay ang nakararaming Pilipino, na araw-araw ay bumubuno ng mahabang oras sa lansangan dahil sa talamak na trapiko.

Sobra na nga oras sa trabaho, sa pag-uwi, nakikipagbuno at nakikipag-agawan pa ng sasakyan makauwi lamang nang maaga at makapiling ang mga mahal sa buhay.

Okay ang rebolusyonaryong gobyerno, kung maseseguro na ang lahat ng nagugutom ay may makakakain hindi lamang sa tamang oras, kundi masustansiyang pagkain.

Okay ang ganitong gobyerno, kung ang lahat ng mga Pilipino ay may bahay na mauuwian, hindi nangangamba na paaalisin ng landlord dahil iniipon pa o kaya naman ay walang pampabayad ng upa.

Wala nang Kadamay na mang-aagaw ng bahay.

Patok ang ganitong gobyerno, kung ang mga hospital ay hindi na manghihingi ng deposito bago gamutin ang mga pasyente.

Wala akong isyu dito kung ang mga gamot, lalo na ang kailangang gamot ng mga nakatatanda at walang kakayahan ay murang mabibili, kung hindi man libre.

Hindi na hihingi ng ‘referral letter’ sa mga politiko, na ginagamit ang pondong-publiko.

Wala akong problema sa gobyernong rebolusyonaryo, kung ang bayarin sa kuryente ay kaya ng lahat. Hindi naho-hostage ng mga ‘power producer’.

Mayaman ang Pilipinas sa likas na yaman, pero ang bayarin sa tubig ay lintik sa lupit.

Wala akong problema sa gobyernong rebolus­yonaryo kung ito ang magiging daan para wala ng Pilipino ang magpapaalila sa ibang bansa.

Hindi na mahihiwalay si ina sa bunso na dumedede pa.

***

Kasabay ng transport strike ng grupong PISTON kahapon, inilunsad naman ng Philippine National Police Highway Patrol Group ang ‘Oplan Disiplinado’.

Agad nakakalawit ang HPG ng mga motorsiklo na may nakasisilaw na ‘led light,’ blinker, at wang-wang.

‘Wag sana itong ‘ni­ngas cogon’ sa umpisa lang magaling.