Una sa Balita

Realist nga ba o defeatist?

0 421

Ayon sa Chief ng NICA o Natio­nal Intelligence Coordinating Agency, ang Pangulong Duterte raw ay realist lang sa kanyang posisyon pagdating sa issue ng pag-aari ng Tsina sa ating nasasakupan na teritoryo sa West Philippine Sea. “Diplomasiya ang gamit ng Presidente,” dagdag pa n’ya.

Ang nakakapagtaka lang ay ang laging pagbanggit na ‘di tayo mananalo sa giyera. Sa aking palagay ay totoo naman na ‘di talaga tayo mananalo. Kahit nga sa Malaysia, e, ‘di tayo mananalo. Walang pantapat ang ating hukbong sandatahan kapag sumalakay ang mga ito.

Ngunit, giyera ba? Giyera ba talaga ang hinahanap nating solusyon? Diplomasya, sabi nga ni NICA chief. Kung kaya mayroon ta­yong sandata ng ru­ling sa The Hague para tumibay ang pag-claim natin sa ating mga teritor­yo sa WPS. Ang dip­lomasya ay hindi nangangahulugan na yumuko na lang tayo sa mas malakas na bansa at ma­ging sunud-sunuran. Ang diplomasya ay mapayapang pag-uusap at pagha­hanap ng solusyon sa pinagtatalunan, ngunit hindi nangangahulugan na isusuko mo ang iyong dignidad at sumuko na lang dahil nag-surrender ka na sa kanyang kakayahang ubusin ang bansa dahil isa s’yang superpower na bansa.

Ang tanong ay, nagamit ba ng admi­nistrasyon na ito ang ruling ng The Hague? Hanggan saan ba ito inilaban sa hapag? 

Sa akin lang ay isang pagsuko ang naging posisyon ng pamahalaan. Malinaw ang mga manipestasyon ng ating pagsuko. Ang ‘di agarang pagpoposis­yon sa nangyari sa mga mangingisdang Pilipino sa laot ng WSP. At sa mga nagdaang lumabas na balita, tila nabago ang kuwento ng nga mangingisda. Tila pinaburan pa ang mga Tsinong mangi­ngisda na bumangga sa maliit na bangka at nang-iwan sa mga kababayan natin, at hinayaang malunod na lang o mamatay. Mabuti na lang at may mga mabubu­ting Vietnamese na nagligtas sa mga ito.

Ang isa pa ay ang hayagang patuloy na pagtatayo ng military facilities ng Tsina sa ating teritoryo at ang ha­yagang patuloy na paglalayag ng mga barko ng Tsina sa ating karagatan na tila sila na nga ang nagmamay-ari.

Ito ba talaga ay posisyon ng pagiging realistic o mas tama na tawagin itong defeatist?

Kung iintindihin ko bilang isang ordinaryong mamamayan, parang sinasabi na sa totoo lang, ‘di tayo mananalo. ‘Di tayo mananalo ‘pag giniyera tayo. E, tama naman. Pero tingin ko bago pa man umabaot sa bunutan ng baril, e, baka may mas magandang resolba ang narating. At hindi ang pag-surrender at hayaan na lang na mawalan tayo ng dignidad bilang mga Pilipino.

Realistic nga ba o defeatist? Kung hindi man lang maipagtanggol ang mga maliliit na mangi­ngisda na animo’y scavenger sa sariling tahanan, ay kawalan ng dignidad ito hindi lamang sa kanila kundi sa buong sambayanan. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy