Una sa Balita

Real Gold bawi kay Boss Emong

0 182

HINDI binigo ni Real Gold ang kanyang fans matapos nitong sikwatin ang korona sa kakatapos na 2019 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown Stake Race Linggo ng gabi sa Metro Turf sa Malvar-Tanauan City, Batangas.

Bago pinasibat ang anim na tigasing batang kabayo ay outstanding favorite si Real Gold, na nirendahan ni class A rider John Paul Guce.

Nanood muna si Real Gold ng bakbakan sa unahan, naglulutsahan sina second choice Boss Emong, sakay si class A jockey Dan Camanero, at My Jopay, ginabayan ni former Philippine Sportswriters­ Association (PSA) Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema.

Bandang far turn ay dumidikit na ang winning horse kay Boss Emong na kinalasan na ang madikit na si My Jopay.

Pagdating ng huling kurbada ay nagkapanaba­yan na sina first at second leg winner Real Gold at Boss Emong, sa rektahan ay nakaungos na ang kabayo ng C & H Enterprises.

“Mahaba ang karera kaya hinayaan ko muna mag-ubusan sina My Jopay at Boss Emong sa unahan at sa bandang far turn ay nagpainit na ako para hindi mabitin,” masayang kuwento ni Guce.

Nirehistro ni Real Gold ang tiyempong 2:05 minuto sa 2,000-meter race sapat para tanggapin ng horse owner nito ang halagang P1.8M premyo mula sa Philippine Racing Commission.Nahamig ni second placer Boss Emong ang P675,000 habang may tig-P375,000 at P150,000 ang tumersero at pumang-apat na sina Shanghai Grey at My Dad Bogart.

Naibulsa naman ng breeder ng winning horse ang P100,000.
(Elech Dawa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy