Una sa Balita

Re-solusyon

0 548

Dahil bago ang taon, maganda at napapanahong pag-usapan natin ang salitang ‘resolusyon’ o sa puntong ito, inihiwalay ko ang panlaping ‘re’ na ngangahulugan ng muli o pag-uulit, sa solusyon. Kaya ang pamagat ng kolum na ito ay may pamagat na ‘re-soulus­yon’.

Madalas natin itong marinig kapag bago ang taon. Hindi na gagawin ang masamang gawain. Hindi naman masama na ilegal, minsan, counter-productive lang na bisyo sa buhay. Halimbawa, late pumasok sa eskuwela o trabaho, nanini­garilyo, malakas kumain, hindi nag-eehersisyo.

Pero bago itong paghihiwalay ng ‘re-solusyon’, may bukod na salita talaga para sa ‘resolusyon.’ Nagmula ito sa salitang Latin na ‘resolvere’ at ‘resolutio’. Kaya ang salitang ‘resolution’ ay hindi talaga direktang nangangahulugan ng paghahanap ng solusyon. Ang literal na ibig sabihin ng ‘resolutio’ sa Latin ay ‘to loosen, release’. Pakawalan o luwagan.

Sa batas, ang resolusyon, katulad ng lokal na ordinansa sa alinmang local government unit, ay kapasiyahan. Pagpapasiya. Napagkasunduan. Kaya may mga resolusyon na nagbibigay halimbawa ng parangal sa isang natatanging indibidwal o nagdedeklara naman ng persona non grata sa mga hindi kanais-nais na tao.

Tuwing sasapit ang bagong taon, ang reso­lusyon ay isang matibay na pagagapasiya o desisyon. Halimbawa ang matibay na pagpapasiyang baguhin ang masamang ugali o bisyo. Halimbawa nga iyong pagtigil sa paninigarilyo. Ehem. Pitong buwan na akong hindi naninigarilyo.

Hindi ko naman hinintay na magbagong taon para lang baguhin ang sarili. Para sa iba kasi, maganda lang simulan kapag bago ang taon. Ika nga, bagong buhay dahil bagong taon.

Kaya kung merong salitang Latin na ‘resolutio’ tiyak na meron ding ‘solutio.’ Kaya may salitang ingles din na ‘solve’. Kaya mayroong ‘re-solve’ o ‘muling paghahanap ng solusyon’ o pag-uulit sa nauna nang solusyon kung literal na isasalin sa Filipino.

Madalas nating marinig sa media at pamahalaan ang paghihikayat na resolbahin ang suliranin. Paano reresolbahin ang napaka­bigat na daloy ng trapiko halimbawa. Napakarami nang solusyon pero mistulang walang epekto.

Kaya nga maitatanong sa sarili, kung hindi ba epektibo ang solusyon, solusyon ba itong matatawag? Kung ilang taon nang ginagamit ang solusyon sa personal na buhay halimbawa, iyong mistulang maliitan tulad ng laging late sa trabaho o pagpasok sa paaralan pero late pa rin kahit na ano ang gawing pagbabago, solusyon pa rin ba ito?

At kung epektibo ang naunang solusyon, halimbawa ang mara­ming nagtatanong sa akin kung paano ako tumigil manigarilyo noong Mayo, re-solusyon ba ito?
Lagi nang maganda ang New Year’s resolution. Pagtatangka itong mapabuti ang sarili at kapwa. Kung hindi ka na male-late uli sa usapan, trabaho man o paaralan, mas napapahalagahan mo ang oras ng iba. Mas maraming matatapos na gawain. Mas produktibo.

Hindi mo man lahat matupad ng resolusyon mo ngayong bagong taon, at least may pagtatangkang itama ang sarili. Sana nga lang, anumang ipinangako mo para mapabuti ang sarili ay magawa mo at maging bahagi na ng iyong pagkatao.

Kaya huwag lang umasa sa ibang tao para baguhin ang lipunan. Magsimula sa iyong sarili.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy