Una sa Balita

RDO excited nang maglaro

0 813

Umaasa si Meralco Bolts Coach Norman Black na ngayong elimination round ng PBA Commissioner’s Cup ay makakabalik na sa paglalaro ang dalawa sa kanyang injured players.

Ang mga ito ay sina Ranidel de Ocampo at Garvo Lanete na na-sprain ang shooting hands sa practice ng Bolts bago magsimula ang second conference.

Inihayag ito ni Black matapos nilang tambakan ang NLEX Road Warriors 106-90 noong Biyernes ng gabi para sa ikalawa nilang panalo kontra sa isang talo.

“I would think Ranidel still be a week and half away from getting on the court, practicing, maybe Garvo maybe back soon, am not sure he’s gonna be back for our next game on Wednesday but maybe the game after that,” sabi ni Black.

Ang sinabi ni Black ay kinumpirma ni De Ocampo nang maka-usap ng Isport Lang.

“Next week pa siguro ako mag-start ng practice. Palagi naman akong nandu’n sa ensayo nagpapalakas, nag-eensayo, nagre-rehab,” sabi ni Ranidel.

Ayon kay Ranidel excited na rin siyang maglaro at makatulong sa team.

Mula nang i-trade si De Ocampo ng TNT sa Meralco noong Septembe­r 11, 2017 sa kalagitnaan ng Governor’s Cup elimination round ay hindi pa ito nakakalaro ng kahit isang game sa Bolts.

May calf injury siya nang i-trade sa Meralco at tinamaan naman ng Achilles tendon injury noong nasa Meralco na.

“Siguro sa kalagitnaan ng elimination makakalaro na ako. Excited na akong tumulong sa team,” ayon kay De Ocampo.

Tatlong linggo nang nagpa-practice si De Ocampo sa Bolts nang muli siyang tamaan ng injury.

Umaasa din siya na makabalik na sa paglalaro nang 100 percent.