Una sa Balita

Ray Parks hindi pa pumipirma sa Elite

By
0 676

INAMIN ni Bobby Ray Parks, Jr. na wala pa itong anumang kontratang pinipirmahan matapos maging No. 2 pick sa nagdaang Rookie Draft kahit pinadalhan na ito ng tender offer bago matapos ang nakaraang taon ng Blackwater Elite.

Sinabi ni Parks na kanyang ipinauubaya sa manager nitong si Charlie Dy ang pakikipagnegosasyon sa kanyang kontrata sa Blackwater habang patuloy nitong ipinapahayag na nais nitong kumpletuhin ang kanyang paglalaro para sa San Miguel-Alab Pilipinas sa ASEAN Basketball League hanggang Mayo.

“I haven’t signed anything yet. Boss Charlie is taking care of negotiation and everything,” sabi ni Parks.

Una nang binigyan ng Elite ang 25-anyos na anak ng 7-time Best Import awardee na si Bobby Parks, Sr. ng dalawang taong kontrata na nagkakahalaga ng P5.4 milyon base sa bagong salary cap na itinakda ng PBA sa mga mapipili na mga rookie sa unang round.

Gayunman, bago matapos ang limang araw na palugit para makasundo ang kanilang napili ay nagpasya ang Elite na ibigay ang gusto ng kampo ni Parks na maximum three-year contract na nagkakahalaga ng P10.4 milyon na kung saan sasahod ang manlalaro ng maximum player’s salary na P420,000 kada buwan sa kanyang huling taon sa kontrata.

Sa pinakahuling balita, magkakaroon ng meeting si Dy at ang pamunuan ng Blackwater sa darating na Miyerkoles.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy