Una sa Balita

Ratsada ala-Flash Gordon

By
0 458

Parang kidlat na gaya ni ‘The Flash’ ang ginawa ni Senador Dick Gordon sa pag-aanunsyo ng kanyang ‘draft’ committee report tungkol sa resulta ng imbestigasyon sa kontrobersyal na paggamit ng Dengvaxia vaccine laban sa dengue.

Gaya ng inaasahan ng mga miron sa sabungan, aba’y ‘guilty’ ang hatol niya kina dating Pangulong Benigno Aquino III, dating Health Secretary Janette Garin, dating­ Budget Secretary Flo­rencio Abad, na umano’y nagsabwatan daw para apurahin ang pagkuha ng bakuna.

Sabi ni Gordon, dapat daw sampahan ng kasong kriminal at katiwalian ang grupo ni Aquino. Pero ang tanong ng ating kurimaw na walang takot sa lamok, anong kasong kriminal ang isasampa kina Aquino? Nakasaad ba sa kanyang ‘draft’ report na kinukumpirma na niya na ang mga batang naturukan ng Dengvaxia at namatay eh talagang namatay nang dahil sa epekto ng bakuna?

Kapag iyon ang nakasaad sa draft report ni Gordon, aba’y tiyak na marami ang papalag — hindi dahil sa ayaw nilang malaman ang tunay na dahilan sa sinapit ng mga bata — kung hindi dahil sa wala pang opisyal na resulta ng imbestigasyon ang Department of Health at binuong investigating panel ng mga dalubhasa tungkol sa kung ano ba talaga ang dahilan nang pagkamatay ng mga bata.

Batay kasi sa inisyal na pagsusuri ng dalubhasa, may ibang karamdaman ang mga bata na namatay. Kung ang Dengvaxia ba ang nagpalala ng kanilang karamdaman na dahilan ng pagkamatay, iyon ang patuloy na inaalam. Pero si­yempre, iba ang resulta ng imbestigasyon ng Public Attorney’s Office na nagtuturo na Dengvaxia ang pumatay sa mga bata.

Kaya lang, dapat bang isinapubliko na ni Gordon ang kanyang draft report kahit hindi pa iyon napipirmahan ng mga senador na miyembro ng komite? Papaano kung hindi makakuha ng sapat na pirma ang draft report na indikasyon na hindi sila sang-ayon sa sina­sabi ni Gordon? Aba’y sorry na lang ba sina Aquino, Garin, Abad at iba pa dahil mistulang na ‘trial by flash publicity’ na sila?

O baka naman alam ni Gordon na hindi talaga lulusot o makakakuha ng sapat na suporta ang kanyang report kaya inilabas na lang niya sa media? Hindi kaya maging ‘one man show’ din lang ang ‘draft’ report niya gaya ng nangyayari sa mga hearing na ginagawa niya na halos siya lang ang sumisipot.

Ang iba kasing senador, sinasabing tila nababanas sa ginagawa ni Gordon na mistulang nagko-concert sa hearing dahil siya lang ang daldal nang daldal. Hindi ba’t minsan na siyang sinabihan ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na dapat itigil ang kadadaldal at wala raw talagang intensyon na alamin ang katotohanan tungkol sa nakapuslit na droga sa BOC.

Kaya naman hindi rin natin masisisi sina Aquino sa ‘draft’ report na hindi pa pirmado ng mga senador dahil bukod sa mistulang nabiktima sila ng ‘trial by flash publicity’, nasayang lang ang pagpunta nila sa komite ni Gordon dahil hindi naman pala pakikinggan ang kanilang paliwanag.

Tandaan natin na naaprubahan ng Aquino government ang paggamit ng Dengvaxia sa huling bahagi ng 2015, at naipa­tupad ng 2016. Nang panahon na iyon, walang sinasabing panganib sa gamot ang Sanofi na siyang may gawa ng gamot. Hu­ling bahagi na ng 2017, at iba na ang administrasyon, nang magsalita at magbabala ang Sanofi na dapat pala eh hindi makasama sa babakuna­han ang mga hindi pa nagkaka-dengue.

Si Senador Ping Lacson, nagpahayag na hindi siya maniniwala na masasangkot sa katiwalian si Aquino dahil matagal na niya itong nakatrabaho at kakilala. Si Lacson, aminadong hindi pa rin nababasa ang sinasabing report ni Gordon.

Kung idiniin ni Gordon sina Aquino sa paggamit ng Dengvaxia, isinama rin kaya niya sa mga idiniin ang mga opisyal ng kasalukuyang administrasyong Duterte dahil ipinagpatuloy at ipinatupad din nila ang programang gamitin ang Dengvaxia? At aba­ngan ang minority report at siguradong mas maraming pipirma kaysa sa ginawa ni Gordon. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”