Una sa Balita

Rappler tinabla sa hirit na pagbasura ng cyberlibel case

0 171

IBINASURA ng Manila Regional Trial Court (MRTC) Branch 46, ang apela nina Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa at dating researcher Reynaldo Santos Jr., na mai-dismiss ang kasong cyberlibel na isinampa laban sa kanila ng negosyanteng si Wilfredo Keng.

Sa siyam na pahinang order ni MRTC Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa, ibinasura ang motion to quash dahil sa kawalan ng merito.

Nag-ugat ang pagsasampa ng cyberlibel case dahil sa artikulong inilabas ng Rappler noong 2012 na umano’y pinahihiram ni Keng si dating chief Justice Renato Corona na magamit ang kanyang mamahaling sasakyan.

Sa naturang artikulo, isinulat rin nila ang isang intelligence report ng pagkakasangkot umano ni Keng sa human trafficking at drug smuggling.

Ipinasya naman ng Department of Justice (DOJ) na kasuhan sina Ressa at Santos dahil sa paulit-ulit na publikasyon. Nalaman na ang 2012 article ng Rappler ay muling nai-publish noong Pebrero 2014 dahilan para pumasok ito sa Cyber Law.

Kinuwestiyon ng Rappler at ni Ressa ang findings ng DOJ sa kanyang motion to quash at sinabing hindi pa ganap na batas ang Cyber Law hanggang Abril 2014.

Sinang-ayunan rin ng korte ang posisyon ng DOJ na ang prescriptive period sa cyberlibel ay 12 taon, hindi isang taon sa ilalim ng Revised Penal Code.

Gayundin, sinabi ng korte na may sapat na alegasyon para madetermina ang corporate liability ng Rappler para sa kasong Cyberlibel.

“The re-publishing of the article is the illegal act imputed to Rappler Inc., as the publishing platform of the article, which accusation as supported by the pro­secutor’s resolution and attached documents the court finds probable cause to proceed with the trial of the case,” nakasaad pa sa order ng korte.

Nakatakda namang basahan ng sakdal ngayong araw si Ressa matapos ibasura ng MRTC ang inihain nitong motion to quash. (Juliet de Loza-Cudia/Mia Billones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy