Una sa Balita

Rapper arestado sa droga sa La Union

By
0 874

INARESTO ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) La Union noong Biyernes ang isang local rapper artist matapos mag-post sa Facebook (FB) na humihithit ng marijuana sa siyudad ng San Fernando.

Kinilala ang suspek na si Jay-r Angeles, kilala sa tawag na ‘Hitler Paos’, 25, ng Brgy. Carlatan ng nasabing siyudad.

Sa imbestigasyon ng La Union Police Station (LUPS), nag-post ng video sa social media sa pamamagitan ng kanyang FB ang suspek na humihithit ng ‘cigarette type’ na high grade marijuana sa gilid ng kalsada.

Matapos makita ang video ni Angeles, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na operatiba ng PDEA at LUPS at naaresto ang local rapper sa kanyang bahay sa Brgy. Carlatan.

Nakumpiska mula kay Angeles ang limang sachet nang pinatuyong dahon ng marijuana, .22 cal. revolver at drug paraphernalia.

Sa video sa kanyang social media account, ipinagmalaki pa umano ni Angeles na siya ay sumisinghot at naninigarilyo ng marijuana.

Mariing pinabulaanan naman ni Angeles ang mga paratang sa kanya.