Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ramirez matunog pa ring PSC chair

0 68

NANANATILING matunog at nangununga sa maikling listahan si incumbent Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez para sa itatalaga bilang mga bagong mamumuno sa government sports agency sa administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa high ranking insider sa Palasyo, mula sa mahigit 100 aplikante ay natira sa maikling listahan para sa PSC chairman ang anim na pangalan na kinabibilangan ng Philippine at Southeast Squash Association president na si Robert Bachmann, si outgoing Games and Amusements Board chairman Abraham “Baham” Mitra at dating PBA Commissioner Noli Eala.

Gayunman, ang kasalukuyang pinuno ng government sports agency na si Ramirez ang nananatiling matatag para sa posisyon bunga ng maganda nitong naisagawa sa ahensiya at posible pa nitong magawa para sa grassroots sports development sa national level tulad sa pagdedebelop sa Palarong Pambansa at Batang Pinoy.

Sa pagkakatalaga kay Bise Presidente Sara Duterte, na nanumpa sa tungkulin noong Linggo sa Davao City, bilang bagong Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, sinabi ng mga source na ang pananatili kay Ramirez bilang PSC chair ay isinasaalang-alang dahil sa maraming proyekto at aktibidad na nakatuon sa sports sa DepEd.

Hayagang nagpahayag na gusto na niyang bumaba sa puwesto at ilaan ang kanyang oras sa pamilya ang taga-Davao City na si Ramirez subalit posibleng magbago ang loob lalo na kung kailangan siya ni VP Inday Sara na paunlarin at tumulong sa mga kabataan na maging internasyonal ang kalidad sa mga programa ng DepEd. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.