Una sa Balita

Ramdam na ang sagasa ng TRAIN

By
0 2,981

Ramdam na ramdam na sa ibaba ang pananagasa ng Tax Reform for Accele­ration and Inclusion (TRAIN). Nitong mga nakaraang araw ay nagtaasan na ang bilihin sa mga karaniwang palengke.

Tumaas lahat ng bi­lihin at ang depensa ng mga tindero at tindera ay dahil sa bagong buwis. Ang mga apektado dito ay ‘yung mga ordinaryong mamamayan na suki ng mga karaniwang palengke at talipapa.

Napapailing na lang ang mga tao sa mga palengke at talipapa dahil wala silang magawa kundi maghigpit pa ng sinturon dulot ng bagong sistema ng pagbubuwis ng admi­nistrasyong Duterte. Ito na nga ang ikinaka­bahala naming mga tutol sa bagong tax plan na ito ni Duterte. Nakikiramay kami sa lahat ng mga mamamayan lalo na ‘yung mga walang regular na trabaho at hindi nakikinabang sa pagbabawas ng income tax.

Noong panahon ng kampanya, ipinangako ni Pangulong Duterte na pagagaanin ang buhay ng mga mahihirap. Ibinoto siya ng masa dahil sa pangakong pagpapabago at sa pag-asa na kahit man papaano ay guminhawa ang kanilang buhay. Hindi ito tinupad bagkus ay pinahirapan pa ang buhay ng mga karaniwang mamamayan lalo na ‘yung ‘isang kahig, isang tuka’ dahil sa bagong sistema ng pagbubuwis.

Sa mga susunod na araw, lalong mararamdaman ang paghihirap ng mga tao. May petisyon na ang mga transport group na magtaas ng pasahe. Nais ng mga operators ng pampasaherong jeep na gawing P12 ang mi­nimum fare mula sa kasalukuyang P8 habang ang taxi ay gustong itaas sa P50 flagdown rate mula sa P40 at mahigit P13 per/kilometer dahil sa pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng TRAIN. Susunod na ang kuryente at tubig sa next billing dahil hindi rin naman papayag ang mga negosyante na malugi. Ang kanilang dagdag-gastos sa operasyon ay ipapasa nila sa mga tao.

Ang tanging hindi makakaramdam sa panibagong buwis na ito ay ‘yung mga ma­yayaman talaga, pero mula middle class ay apektado kahit pa kasama sila sa mga mababawasan ng income tax. Ang masakit lang, ang mga Class C, D at E ang higit na tatamaan sa TRAIN. Kahit ano pang magandang salita ang gamitin upang isulong ang bagong tax plan, maliwanag na talong-talo ang mga ordinaryong Filipino sa TRAIN.