Una sa Balita

Rain or Shine pinitik nina Tautuaa, Bolick

0 292

NAKUMPLETO ng NorthPort Batang Pier ang come-from-behind 107-105 overtime victory kontra Rain or Shine Elasto Painters kagabi sa elimination round ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena.

Isang tres ni rookie Robert Bolick sa natitirang 11 segundo ng regulation ang nagdala sa laro sa overtime 100-all.

May tsansa sana ang Elasto Painters na humirit ng second overtime o agawin ang panalo subalit sablay ang ‘hail mary’ shot ni Denzel Bowles sa labas ng three point area kasabay sa pagtunog ng buzzer sa extra five minutes.

Bayani sa Batang Pier si Mo Tautuaa na kumana ng bagong career-high 34 points kasama ang 11 boards.

Nagsalpak din ito ng limang three pointers sa siyam na bitaw.

Tumulong naman ng 22 markers si Bolick, habang mayroong 16 at 14 puntos sina Garvo Lanete at Sean Anthony, ayon sa pagkakabanggit.

Angat sa 6-1 panalo-talo baraha ang NorthPort habang laglag sa 2-3 kartada ang Rain or Shine, na nakakuha ng 41 points kay Bowles.

Itinala ni Rey Nambatac sa kanyang dri­ving layup ang pinakamalaking 25 puntos na abante para sa Rain or Shine sa papatapos na huling 28 segundo ng ikatlong yugto, 84-59.

Walong manlalaro lamang ang nakakapag­laro para sa Batang Pier matapos magtamo ng injury sina Nico Elorde at Jonathan Grey habang hindi pa naman nakasabak sa aksyon ang mga kinuha nito na sina Sol Mercado, Kevin Ferrer at Jervy Cruz mula sa sorpresang trade sa Barangay Ginebra. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy