Una sa Balita

Racela, Villavicencio dismayado kay Davis

By
0 502

Napakalungkot na senaryo ang nakita ng Isport Lang sa labas ng dugout ng TNT KaTropa noong Linggo ng gabi sa Smart Araneta.

Nagtitipon ang buong coaching staff ng TNT, magkakaharap sila team manager Virgil Villavicencio, head coach Nash Racela at mga assistant coach at nag-uusap na parang ayaw marinig ng ibang tao.

Ang dahilan, tinambakan sila ng Alaska Milk, 125-96.

Nanatili sila Villavicencio sa ganoong sitwasyon – matagal, nakakainip at nakatayo habang tila may ipinapaliwanag si Racela.

Obviously, pinag-uusapan nila ang na­ging performance ng bago nilang import na si Stacy Davis na isang standout ng Pepperdine na dumating lamang ng bansa noong Huwebes kapalit ni Mike Glover.

Dali-daling pinalitan si Glover dahil sa mababang performance nito sa 90-103 na pagkatalo sa NLEX Biyernes ng gabi.

Sa sagupaan, umiskor naman si Davis ng 26 points, 12 rebounds at pitong assists pero hindi sapat para makatulong na ipanalo ang KaTropa na ngayon ay nakalubog sa 1-3 panalo-talo.

Gustong kunan ng mga sportswriter ng kahit konting salita si Racela sa kung anong balak nila kay Davis.

Pero nangawit na sa katatayo at nangalay na ang mga leeg ay walang lumalabas isa man sa coaching staff na pumasok yata sa kanilang dugout halos matatapos na ang first quarter ng laban ng Phoenix at Northport.

Magsisimula na ang fourth quarter ng second game nang lumabas si Racela at nang sasalubungin ng mga scribe para interbiyuhin ay kaagad na nagsalita ng “pass muna”.

Sa senaryong nakita kina Racela at Villavicencio sa labas ng dugout, tumanggi man na magbigay ng statement sa mga sportswriter, halatang disgustado sila kay Davis.

Pero ang kuwestiyon, may available naman kayang maipapalit kay Davis sa lalong madaling panahon?

Ang susunod na laro ng TNT ay sa Biyernes pa kontra sa Phoenix na minasaker ang NorthPort noon ding Linggo, 132-91.