Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Quiboloy pasusukahin ni Pacquiao ng P100M sa fake news

0 37

Naghain si Senador Manny Pacquiao ng P100 milyong libel at cyber-libel cases laban sa self-proclaimed “Owner of the Universe at “Appointed Son of God” na si Pastor Apollo Quiboloy sa Makati City Prosecutor’s Office para mapigil ang pagkalat ng fake news sa bansa.

Nag-ugat ang reklamo laban kay Quiboloy, spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte, matapos akusahan ng huli ang senador sa diumano’y maling pagamit ng pondo para sa Sarangani Sports Training Center (SSTC) project.

Sa kanyang mga pahayag sa programa sa telebisyon at social media account, idinawit ni Quiboloy ang “Pambansang Kamao” sa diumano’y maanomalyang pagwaldas ng P3.5 bilyong pondo para sa naturang proyekto.

Nagpakita pa si Quiboloy ng mga larawan ng mga sira-sirang upunan at mga lumang gusali sa Sarangani Sports Complex.

Pinabulaan naman ito ni Pacquiao at sinabing “fake news” ang mga paratang sa kanya ni Quiboloy.

Paliwanag ng senador, ang P3.5 bilyong pondo na binabanggit ni Quiboloy ay inilaan para sa itatayo sanang Philippine Sports Traning Center sa Bataan at hindi para sa SSTC.

Sa 13 pahinang reklamo, hiniling ni Pacquiao na magbayad si Quiboloy ng P 100 milyon bilang bayad-pinsala at attorney’s fee dahil sa paggamit nito ng kaniyang kapangyarihan at impluwensiya sa pagpapakalat ng fake news at maling impormasyon.

Kung mananalo sa kaso, ibibigay ni Pacquiao ang danyos perwisyo sa pagpapagawa ng mga bahay at pagtulong sa mahihirap. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.