Una sa Balita

Quezon Avenue ginawan ng problema!

0 174

AYOS BA?
Carlito Evangelista

IMBIYERNA na nga ay lalo pang maiimbiyerna ang mga motorista sa matinding trapik buhat sa kanilang mga pinanggalingan patungo sa mga pinagtatrabahuan sa NCR.

Paano ba naman kasi, wala namang problema sa sistema ng trapiko sa kahabaan ng Quezon Avenue sa pagitan ng EDSA at Timog-West intersection ay may kung sino pang nagpasikat na sumablay naman.

Dati kasi ay iisa lang ang ­traffic light mula pagitan ng mga naturang lansangan pero ma­ayos naman ang daloy ng mga sasakyan.

Pero sa hindi malamang dahilan, biglang nabago ang sitwasyon dahil biglang nagkaroon pa ng karagdagang dalawang bagong traffic light sa lugar na nabanggit.

Hindi makumpirma kung ang Quezon City ­local government ba o ang Metropolitan Manila ­Development Authority (MMDA) ang nagpakabit sa mga ­nabanggit na traffic light.

Sa mga tanong kasi sa Twitter account ng MMDA ay deadma lamang ang mga mga tagasagot ng mga ito.

Hindi rin nagsabi ang QC government na sila ang nagpakabit ng mga ito.
Noong unang araw na pinagana ang mga nabanggit na traffic light ay hindi naman masyadong naging masama ang epekto sa daloy ng mga sasakyan.

Pero habang tumatagal, humahaba ang oras ng paglalakbay bago malagpa­san ang panulukan ng Timog-West at Quezon Avenue lalo sa umaga.

Parang hindi pinag-isipan ang pagkabit sa mga ito dahil maayos namang gumagana ang mga u-turn slots sa lugar.

Ayos sana kung magpapaliwanag ang MMDA o kaya ang QC local government.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More