Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

QCMC laking ginhawa

0 104

Bahagya nang nakakaramdan ng ginhawa ang mga motoristang dati rati ay naiipit ng matinding pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan sa direksiyon patungo sa EDSA ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Ang unang dahilan ay ang pagtatakda ng zipper lane tuwing rush hour sa umaga upang agad na mapagbukod ang mga motoristang patungo ng University Avenue sa UP at ang mga padiretso ng Quezon City Memorial Circle.

Mula noong Lunes ay nadagdagan pa ang kaluwagan na ito dahil binuksan na rin ang matagal na isinarang malaking bahagi ng Elliptical Road sa tapat ng North Avenue dahil sa ginawang tunnel na dadaanan ng MRT7.

Kaya nga balik na ang dating luwag ng naturang bahagi ng Elliptical Road na nagbunsod upang tumuloy-tuloy ang daloy ng mga patungo ng Quezon Avenue, East Avenue at Kalayaan Avenue.

Pero hindi porke’t guminhawa ang naturang bahagi ay tuloy tuloy na ang ginhawa ng mga motorista dahil pag-ahon na pag-ahon ng Quezon Avenue tunnel ay mapipilitan naman silang huminto bunga ng ikinabit na traffic light sa bahagi ng Examiner St., at matapos ito ay dalawa pa hanggang sa makalagpas ng bahagi ng dating Delta Theater.

Kaya lumalabas, ang oras na natipid sa bahagyang lumuwag na Commonwealth Avenue ay natatapyasan dahil sa mga nabanggit na traffic light.

Ang isa pang umusbong na problema ay ang mga nagmumula ng Quezon Avenue westbound na kumakaliwa ng Araneta Avenue.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Dumami na kasi ang mga nangangaliwa este, kumakaliwa mula Quezon Ave patungo sa Araneta Ave mula nang buksan sa mga motorista ang Skyway dahil dito na dumadaan ang mga patungo ng Makati at maging sa ibang bahagi ng Southern Metro Manila hanggang sa Southern Luzon.

Karamihan sa mga sasakyan ay matiyagang pumipila hanggang sa makatawid ng intersection pero mayroon pa rin talagang mga motoristang walang respeto sa kanilang kapwa at buong kapal ng mukha na sisingit sa unahan sa pamamagitan ng pasusumiksik sa may paanan ng Quezon Avenue underpass.

Sa sa mga inisyal na solusyon na puwedeng gawin upang matigil ito ay ang paglalagay ng barrier mula pa lamang sa pedestrian overpass hanggang sa bahaging naghihiwalay ang underpass at service road upang wala nang singitan na maganap.

Puwede rin namang maglagay ng dagdag na tauhan ang MMDA o kaya ay Quezon City Traffic at tiketan ang mga mahihilig magsisisingit.

Nga pala, kung hindi mga dyipni ay mga UV express ang madalas na sumingit sa pila kaya wala ng magawa ang mga pribadong sasakyan kundi magpaubaya na lamang kesa nga naman sa magasgasan ang kanilang mga oto at maabala ang biyahe nang hindi naman babayaran ng mga nakasagi.

Lahat tayo ay nagnanais na makarating ng maayos sa ating patutunguhan kaya tama lang sigurong manawagan ng respeto ang mga naagrabyado ng mga mahihilig maningit na mga motorista.

Ayos ba?

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.