Una sa Balita

QC-MVP basura deal minadali ni Bistek?

By
0 436

PINAPALAGAN ng mga residente at environment group ang planong pagtatayo ng waste-to-energy project sa Quezon City dahil sa iaamba umano nitong peligro sa kapaligiran at kalusugan.

Ayon sa mga kritiko ng proyekto, kahina-hinala ang intensyon ng liderato ni Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista dahil kahit papatapos na ang termino nito sa Hunyo 30, 2019 ay pumasok pa ito sa isang public-private partnership at joint venture proposal sa consortium ng Covanta Energy, Macquarie Group at Metro Pacific Investments Corp. ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan.

Kinukuwestyon nila ang umano’y puwersahang pagtutulak sa proyekto para maipasa ito sa konseho bago maipatupad ang pagbabawal sa paggawad ng award sa ilalim ng election ban para sa 2019 midterm elections.

Bahagi ng panukalang proyekto ang disenyo, pagtustos, konstruksyon, oparasyon at maintenance ng panukalang Quezon City Integrated Solid Waste Management Facility na may kakayahan umanong magproseso ng hanggang 3,000 metrikong tonelada ng basura kada araw.

Sakaling maaprubahan, matatali umano ang pamahalaang lungsod at mga residente ng siyudad sa 35 taong kontrata simula sa araw ng operasyon nito at karagdagan pang 15 taon para sa posibleng pagpapalawig sa kontrata.
Inaalmahan ng mga environment group ang panukala dahil sa polusyon na ibubuga ng itatayong waste-to-energy plant na susunog sa mga basura para maging renewable energy.

Anila, ang pagsusunog ng basura ay lantarang paglabag sa Clean Air Act at Ecological Solid Waste Management Act.
Sinikap ng Abante na hingan ng pahayag si Bautista subalit hindi pa ito nakokontak habang sinusulat ang balita.
Hiningi ng Abante ang panig ng Metro Pacific Investments Corp. sa kasunduan ngunit hindi ito nagbigay ng pahayag. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy