Una sa Balita

QC judge, bagong CA justice

By
0 7

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Quezon City Regional Trial Court Branch Judge Tita Marilyn B. Payoyo-Villordon bilang bagong mahistrado ng Court of Appeals (CA).

Pinili ng Pangulo si Judge Villordon sa hanay ng mga kandidatong isi­numite ng Judicial and Bar Council (JBC).

Pinalitan niya si Appellate Court Associate Justice Francisco P. Acosta na sumapit na sa itinatakdang mandatory age of retirement na 70 noong Abril 2.

Sa ipinadalang transmittal letter ni Executive Secretary Salvador Medialdea kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Aranal-Sereno, na natanggap noong Oktubre 4, 2017, nakasaad na si Judge Payoyo-Villordon ay itinatalaga ng Pangulong Duterte bilang kahalili ng nagretirong si Justice Acosta.

Kabilang sa mga nakatatak na desisyon ni Villordon bilang huwes ng QC RTC ang pagsentensya niya ng mula 13 hanggang 19 na taong pag­kabilanggo kay Angelica Fajardo, cashier at officer-in-charge ng Division Chief III ng Prize Payment Division ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa pambubulsa ng P1.9 mil­yong lotto prizes.