Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pwersahan at takutan?

0 20

Ang lahat ng awtoridad ng gobyerno ay nagmumula sa mga tao, ayon sa ating saligang batas.

Kung iisipin natin, bago ang panahon na nagkaroon ng gobyerno, walang kaayusan ang lipunan, kanya-kanya ang mga tao, at malayang gawin ang kahit ano—maging pumatay, manguha ng pag-aari ng iba, at kung ano-ano pa. At kung ang hula ninyo na ang kasunod nito ay sabihin ko na hindi naman din malayo ang sitwasyon natin ngayon kung ikukumpara sa panahon bago may gobyerno, hindi iyon ang patutunguhan ng artikulong ito, bagama’t malapit rin naman sa katotohanan ang ganun.

Sa pagpapatuloy, ayon sa teorya, dahil sa ganuong kalagayan ng lipunan, nagpasya ang mga tao na magtatag ng gobyerno na mamamahala sa lipunan at magbibigay ng proteksyon sa bawa’t isa laban sa isa’t isa. Mayroon lamang isang kundisyon. Ang lahat ng tao ay isusuko ang kanilang lubos na kalayaan na gumawa ng anuman ang kanyang ninanais. Sa madaling salita, ang mga karapatan ng mga tao ay nagkaroon ng mga hangganan. Kung dati, maari mong patayin ang kapwa mo dahil mayroon kayong hindi pagkakaintindihan, sa ilalim ng panahon na may gobyerno, kailangan idaan ang inyong alitan sa tamang proseso na itinakda ng batas na gawa ng gobyerno. Nguni’t, bilang prinsipyo ng ating sistema ng gobyerno, walang sinuman ang mas mataas kaysa sa batas. Sa madaling salita, walang tao ang hindi nasasakop ng batas, kahit na ikaw ay kabilang sa gobyerno.

Nahihirapan ang maraming tao na intindihin ang mga kautusan ng ating gobyerno, lalong-lalo na ang mga bagay kung saan kakaiba ang trato nila sa sarili kung ihahambing sa sambayanan. Nuong binakunahan ang pangulo, ang itinurok sa kanya ay ang gawa ng Sinopharm na nuong panahong iyon ay wala man lang pahintulot ng Food and Drug Administration. Anila, yuon ang bakunang gusto ng mga doktor ng pangulo. Nung nagpbakuna rin ang mga kasapi ng Presidential Security Group nuong panahon na wala pang bakunang pinapapayagan sa bansa, naging pwede din. Nguni’t nuong namimili ang mga tao, sinabi ng pangulo na hindi dapat maging mapili hinggil sa kung anong bakuna ang gusto nila. Ngayong tumataas ang bilang ng mga taong gustong magpabakuna, pwersahan na kung anong klase? Pero, hindi daw pwersahan, malalaman mo sa punto na tuturukan ka. So, pagkatapos mong ubusin ang oras mo at tiisin ang mahabang pila, tatanggi ka pa ba? Magiging sapilitang pagpayag na yan.

Ganun din sa West Philippine Sea (WPS), ang pagpipilian ay manahimik na lang tayo o giyera? At hindi lang basta giyera, nuclear war pa nga. Para sa ordinaryong mamamayan, kaysa magkaroon ng nuclear war kung saan malamang patay tayo at pagsuko ng ating prinsipyo, madaling bitawan ang karapatan natin sa WPS, lalo na at walang tuwirang at praktikal epekto ito ang karamihan ng mamamayan.

Bakit ganito ang tema ng ating pamahalaan lagi? Pwersahan at takutan. Ganito na ba talaga kahirap kausapin ang sambayanan? Tuwing maririnig natin ang mga pahayag ng gobyerno, pansinin mo laging may pananakot—hindi isasali, huhulihin, kakasuhan, ikukulong, papatayin.

Leave A Reply

Your email address will not be published.