Una sa Balita

PVL: ADAMSON LUHOD SA BANKO-PERLAS

By
Naisahan ni Jessica Galanza ng Adamson Lady Falcons sina Amy Ahomiro at Suzanne Roces ng BanKo-Perlas mailusot ang bola sa depensa ng dalawa kahapon sa PVL Open Conference sa The Arena sa San Juan. (Jay Jalbuna)
0 4

Mga laro sa Miyerkules: 
(The Arena, San Juan) 
4:00 p.m. — Air Force vs UP 
6:30 p.m. — Adamson vs Power Smashers 

Tinarak ng BanKo-Perlas ang unang panalo matapos paluhurin sa apat na sets ang Adamson University, 25-18, 25-16, 21-25, 25-21, kahapon sa Premier Volleyball League Open Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan. 

Pumalag ang Lady Falcons sa fourth set, nagbadya silang humirit ng deciding fifth set matapos habulin ang 15-19 pagkakalubog. 

Humataw ng 5-1 run ang Adamson para itabla ang iskor sa 20-all subalit bumangis lang lalo ang Perlas at pumalo rin sila ng 5-1 kasama ang back-to-back service aces ni Nicole Tiamzon para ilis­ta ang 1-2 card. 

Nalasap naman ng Adamson ang pangalawang sunod na talo. 

Nakatuon ang Perlas na tapusin ang laro sa third set nang hawakan nila ang 16-11 abante suba­lit dumagit ang Lady Falcons ng 8-1 run kasama ang off the block ni Jessica Galanza at spike ni May Roque tungo sa pagkapit ng 19-17 bentahe. 

Patuloy na bumanat si Galanza kaya humaba sa apat na sets ang labanan. 

Tumikada si Tiamzon ng 14 points, 13 puntos si Kath Bersola habang 12 at 10 markers sina Amanda Villanueva at Amy Ahomiro ayon sa pagkakasunod. 

Nagtala si Galanza ng 18 markers mula sa 17 hits at isang service ace habang siyam at pitong puntos ang binakas nina Christine Soyud at Roque.