Una sa Balita

PUV coding aalisin ‘pag epektibo ang HOV – MMDA

0 404

AMINADO si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Ma­nager Jojo Garcia na panandaliang solusyon lamang ang high occupancy vehicle (HOV) traffic scheme o ‘driver-only’ ban sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Garcia na ‘short-term solution’ lang ang ‘dri­ver-only’ traffic scheme habang ipinapatayo pa ang mga proyektong impraestruktura na inaasahang magpapaluwag sa problema ng grabeng trapik sa Metro Manila.

Pero kapag naging epektibo aniya ito para mabawasan ang dumaraan na mga pribadong sasakyan sa EDSA ay tinitingnan din ng MMDA ang posibleng pag-alis sa number co­ding scheme sa mga public utility vehicle (PUV) para mapagsilbihan ang mas maraming pasahero.

Nagsagawa ng dry-run ang MMDA sa ‘driver-only’ ban sa EDSA noong nakaraang linggo pero sinuspende ang pagpapatupad nito matapos umani ng mga batikos mula sa publiko at maging sa Senado.

Gayunman, naniniwala si Garcia na posib­leng payagan anya ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag naipaliwanag nilang mabuti ang layunin ng ‘driver-only’ ban para lumuwag ang trapik sa EDSA at matutong mag-carpool ang mga motorista.