Una sa Balita

Puro kayo sisi sa angat dam – Poe

0 356

NANGGAGALAITI si Senador Grace Poe sa dalawang water concessionaire na Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Company, Inc. gayundin sa Metropolitan Waterworks and Sewe­rage System (MWSS) dahil sa nararanasang krisis sa tubig sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.

Ayon kay Poe, chair ng Senate committee on public services, wala man lang ginawa ang dalawang concessionaire at ang regulator kahit matagal nang ibinabala na magkakaroon ng problema sa supply ng tubig bunga ng pagbaba sa water level ng Angat Dam.

Aniya, tumunganga lamang ang mga opisyal at ginamit na dahilan ang madalang na pag-ulan sa bahagi sa Luzon, partikular sa bahagi ng Bulacan kung saan matatagpuan ang dam.

“Mahirap paniwalaan na hindi nila nakita na mangyayari itong kakulangan ng supply ng tubig. Supply lang ba talaga ang problema? O kawalan ng malasakit mula sa mga water official and utilities?” diin ni Poe.

“The reliance on good weather and rain is nothing but inexcusable shortsightedness,” dagdag pa ng senador.

Binanggit ni Poe na noong unang magkaroon ng problema sa supply ng tubig ang Manila Water, nangako ang MWSS na oobligahin nila ang Ayala company na magpatupad ng short-term solution hanggang sa maging normal ang supply ng tubig pagsapit ng Hunyo.

“We are now nearing the end of June and it seems like the water crisis took a turn for the worse,” ayon sa senadora.

“Dati, Manila Water lang ang may problema. Ngayon, pati Maynilad na. Tila din yata inulit nila ang pagkakamali ng Manila Water na huli ang abiso ng Maynilad sa customers,” litanya pa ni Poe.

Tiniyak naman ni Poe na hindi niya palalagpasin ang mga pagkukulang ng Maynilad, Manila Water at ng MWSS sa taongbayan.

“Maniningil uli tayo sa ating mga regulator at concessionaires. Did they roll out the short-term solution? Did they give proper and sufficient notice to the affected areas? Are they following the published schedules of interruptions? What are the immediate solutions to bring back the water supply to normal levels? Sagutin nila dapat tayo ng diretso: Kailan ba talaga magkakatubig?” giit ni Poe.

Inamin ng Manila Water nitong Biyernes na 100% o 6.8 milyon ng kanilang customer ang apek­tado ng rotational water interruption bunga ng pagbagsak ng water level sa Angat Dam sa critical level. Mula sa 12 oras, humaba naman sa 17 oras ang water interruption bawat araw.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy