Una sa Balita

PUP graduate top pick ng mga employer – survey

By
0 2,791

Mas malaki umano ang tsansa na matanggap agad sa trabaho ang mga estudyanteng nagtapos sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Ito’y matapos na lumitaw sa survey ng Jobstreet.com Philippines para sa 2017 na nangu­nguna ang mga nagtapos sa nasabing state-run university sa mga nais na maging empleyado ng 503 employer na lumahok sa survey.

Tiwala umano ang mga employer na magi­ging responsableng empleyado ang mga nagtapos dito dahil na rin sa reputasyon ng PUP na may mataas na kalidad ng edukasyon.

Gustong-gusto umano ng mga employer ang mga PUP graduate dahil sila ang mga taong tumatagal, hindi mareklamo, masisipag, maparaan o madiskarte, kayang makipagsabayan kahit kanino at may mga gustong abutin sa buhay.

Ang PUP rin ang top choice ng mga employer sa parehong survey na isinagawa ng recruitment portal noong 2015 bago ito nasingitan ng University of the Philippines (UP) noong 2016.

Samantala, pumanga­lawa naman ang mga nagtapos sa UP, sunod ang Ateneo de Manila University sa mga nais kunin ng mga employer.

Pumuwesto sa ikaapat ang mga nagsipagtapos sa University of Santo Tomas (UST) na prayoridad ng mga employer.
Panglima ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na sinundan ng Far Eastern University (FEU), De La Salle University (DLSU), Technological Institute of the Philippines (TIP), University of San Carlos, University of Cebu and University of the East (UE).

Noong 2014 nang hu­ling mapasama ang mga unibersidad sa labas ng Metro Manila sa Top 10 na paborito ng mga employer. Ang University of San Carlos ay University of Cebu ay parehong nasa Visayas.

Magkakaiba rin ang hiring preference sa linya ng mga industriya sa bansa. Sa business process outsourcing industry, mas nais ng mga employer dito na kumuha ng mga nagtapos mula sa PUP, UP at UST.

Paborito naman ng information and techno­logy sector ang mga nagtapos sa DLSU at PUP habang sa banking sector ay nakalalamang ang mga graduate ng UST, PUP at Ateneo. (Reportorial Team)