Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pulutan sa Pinas, Tapas sa Espanya

0 600

Sa pagba-biyahe natutuklasan ang iba’t ibang uri ng pagkain at pamamaraan ng pagkain. Iniuuwi ng mga biyahero sa kani-kanilang mga bansa ang natutunan nilang pagkain at gumagawa ng sarili nilang version.

Dahil wala halos nakakapagbiyahe ngayon para sa turismo dahil sa Covid-19, ipapasyal ko na lang kayo sa Barcelona, Spain sa pamamagitan ng pagkaing aming natikman doon – ang tapas!

Sa Espanya, tapas talaga ang dapat na una mong tikman. Ang tapas ay iba’t ibang uri ng pulutan o mga maliliit na Spanish savory dishes na kadasalang isinisilbi kasama ng nakalalasing na inumin sa mga bar.

Ayon sa mga kwento sa Espanya, nagsimula ang tapas nang magkasakit si King Alfonso X ng Castille. Paunti-unti lang ang kanyang kain at kailangang sabayan ng wine. Doon nag-umpisa ang ideya ng tapas – iba’t-ibang kaunting pagkain sa platito na maaaring damputin ng kamay o tinidor. Sa tuwa ng hari sa kanyang natuklasan, ipinag-utos niya na ang lahat ng inumin ay kailangang isilbi na mayroong maliliit na snack.

Pero sa isa pang kwento, noon naman daw 19th century sa Cadiz, isang lumang pier sa rehiyon ng Andalucia sa Espanya, isa pang hari na ang pangalan naman ay Alfonso XIII, ang umorder ng inumin sa isang bahay-inuman. Dahil masyadong malakas ang hangin at maraming alikabok at buhangin, tinakpan daw ng bartender ng hiniwang hamon ang ibabaw ng inumin ng hari para di pasukin ng dumi.

Natuwa ang hari dahil masarap ang kumbinasyon ng hamon sa kanyang inumin. Kumalat ang karanasang ito ng hari at doon na nagsimula ang tapas.

Sa La Rambla sa Barcelona, magkakatabi lang ang mga bars at restaurants na nag-aalok ng tapas. Kabilang sa mga tapas ang Spanish omelette o patatas na iniluto sa itlog na binati, at patatas bravas at patatas alioli – pinritong patatas na may sauce. Ang bravas sauce ay maanghang, samantalang ang alioli naman ay gawa sa olive oil at bawang.

Related Posts

‘Realidad’

Duyan

Mayroon ding cured ham. Ang pinaka-pamoso ay ang Iberian ham na gawa talaga sa Espanya at isinisilbi na may kasamang malutong na tinapay o picos at colines.

May iba’t ibang klase rin ng keso. Ang mga kilalang kesong locally made sa Spain ay ang Manchego (matatagpuan sa Castilla – La Mancha), Idiazábal (mula sa Basque Country), Roncal (Navarre), Mahón (Balearic Islands) at Majorero (Canary Islands).

Ang olives naman ay kadalasang pickled o nilalagyan ng palamang dilis o sili.

Mayroon ding ham croquettes na may kasamang wild mushroom, king crab, pusit, malaking hipon cod (isda), at mga kesong masyadong malasa tulad ng Cabrales.

Ang aming pinakapaborito ay ang kanilang calamari – pinritong pabilog na pusit na ibinalot sa binating arina at kaunting itlog at may special sauce. Puwede rin na lemon lang ang ipipiga mo sa calamari.

Maraming iba pang uri ng tapas na puwedeng isabay sa wine. Pero dahil Pinoy, naghanap kami ng kanin na isasabay sa tapas, kaya ang inorder namin ay ang kanilang paella na halos nakadikit na sa kawali pero napakasarap dahil nagmamantika sa herbs at spices at hinaluan ng malalaking hipon, pusit at tahong.

Mayroon din ng mga ito sa ating local Spanish restaurants. Pero iba talaga ang tapas sa Espanya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.