Una sa Balita

Pulis vs pulis

By
0 4

Isang manhunt operation ang isinasagawa ngayon ng M’lang municipal police station laban sa isang kapwa nila kabaro makaraang barilin nito ang isa pang kabaro sa Barangay Poblacion kamakalawa.

Nabatid kay Police Insp. Jorlito Patrona, deputy chief of police ng M’lang, patuloy nilang inaalam kung saan nagtatago ang suspek na si PO1 Vergel Rivera ng Davao Police.

Si Rivera, ayon kay Patrona ang siyang bumaril at nakapatay kay PO2 Lloyd Platon noong madaling araw ng Biyernes dahil sa mainitang pagtatalo sa isang barbeque stall sa lugar.

Ang biktima ay nakatalaga sa T’boli Municipal Police Station sa South Cotabato.

Lumalabas sa imbestigasyon na bigla na lamang umanong nilapitan ng suspek ang biktima dahil sa pinagsususpetsahang may bitbit itong baril.

Kapwa umano nakapang0sibilyan ang dalawa at parehong may dalang armas ng oras na iyon hanggang mauwi sa pagtatalo ang dalawa.

Pilit umanong inaawat ng isang kasamahan ng suspek ang alitan ng dalawa subalit bumunot na ito ng baril at pinaputukan ng isang beses ang biktima na siyang agad nitong ikinamatay.