Una sa Balita

Pulis, tulak todas sa shootout 

By
0 45

Patay ang isang pulis at isang drug pusher sa naganap na shootout sa isinagawang anti-illegal drug ope­ration at ikinasugat ng isa pang pulis kamakalawa ng tanghali sa Pasig City.

Namatay habang ginagamot sa Rizal Medical Center sanhi ng isang tama ng bala sa dibdib ang pulis na si PO3 Wilfredo Gueta habang dead-on-arri­val naman ang suspek na si Roberto Llaguno, nasa drug watchlist ng pulisya.

Nagpapagaling naman si PO1 Raymund dela Cruz na nagtamo ng tama sa kaliwang hita.

Ayon kay Sr. Supt. Orlando Yebra Jr., hepe ng Pasig City police, naganap ang insidente pasado alas-dose ng tanghali sa Katarungan St., Brgy. Caniogan ng nabatid na lungsod.

Isang operasyon ang isinasagawa ng awtoridad matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagbebenta ng iligal na droga ng suspek. Sa nabatid na lugar ay inabutan ito ng pulisya na naghihintay­ ng parokyano kasama ang isa pang hindi kilalang lalaki.

Nang makita ng mga suspek ang mga pulis ay agad na nagtakbuhan at pumasok sa isang bahay, na agad namang hinabol nina Gueta at Dela Cruz kung saan ilang minuto lang ay umalingawngaw na ang isang putok at agad bumulagta si Gueta.

Bagama’t sugatan ay nakuha pang maki­pagpalitan ng putok ni Gueta at Dela Cruz sa dalawang suspek hanggang masapol ng mga ito si Llaguno.

Tinamaan naman sa hita si Dela Cruz ng isa pang suspek na agad tumakas.

Patuloy ang manhunt operation ng pulisya para sa posibleng pagdakip ng isang nakatakas na suspek.