Una sa Balita

Pulis todas sa selosong kabaro

By
0 283

PATAY ang isang bagitong pulis matapos na pagbabarilin ng kanyang kapwa pulis dahil sa selos kahapon ng umaga sa loob ng National Capitol Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Nasawi dahil sa tatlong tama ng bala sa katawan ang biktimang si PO1 Mark Carlo J. ­Pasamba, 29-anyos, nakatalaga sa 4th MFC ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB).

Naisugod pa sa Taguig ­Pateros District Hospital ang biktima pero hindi na ito naisalba pa ng mga doktor.

Habang arestado naman at nakakulong ngayon ang suspek na si PO1 Carlos Alberto Aljama, 31-anyos, at nakatalaga sa AHO ng RMFB.

Ayon sa imbestigasyon ng NCRPO, naganap umano ang insidente matapos ang troop formation ng mga pulis dakong alas-8:35 ng umaga sa kahabaan ng 2nd street malapit sa tennis court sa loob ng nasabing kampo.

Sinabi ng testigong si PO1 Louie Collisao ng RMFB, pagkatapos ng formation ay kinumpronta ng suspek ang biktima at narinig na sumigaw ng “putang … mo Pasamba!” kasunod ay binunot ang kanyang baril at saka pinagbabaril ang biktima.

Ayon kay NCRPO ­Director Guillermo Eleazar, nalaman umano ng suspek na may relasyon ang kanyang asawa na isa ring pulis na may ranggong PO1 at nakatalaga sa RMFB sa biktima dahilan para ito magselos at ma­galit.

Nasa kustodiya ngayon ng Taguig City Police ang suspek at inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang demanda.

Hindi na tinukoy ang pagkakakilanlan ng babaeng pulis habang isinasailalim ang dalawa sa imbestigasyon.