Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pulis Ormoc instant komadrona sa mobile car

0 20

Hinangaan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang isang babaeng pulis na tumulong sa isang ginang na magsilang ng kanyang sanggol sa loob ng mobile patrol car dahil hindi na ito aabot ng ospital sa Ormoc City, Leyte.

Ayon kay Eleazar, hindi nag-atubili si Patrolman Rossane Terrol na tulu­ngang manganak si Leonisa Mabu­lay sa loob ng police mobile na siyang maghahatid sana sa kanya sa pinakamalapit na pagamutan.

Habang papalapit na ang pa­nganganak ni Mabulay, dinala siya ng kanyang mister sa Ormoc City Police Station 3 sakay ng motorsiklo upang magpasaklolo sa mga pulis na ihatid sila sa ospital.

Agad namang tumugon ang pulis at agad isinakay si Mabulay sa kanilang mobile pero napansin ng pulis na hindi na sila aabot pa sa ospital at manganganak na ang ginang. Walang pag-aalinlangan, tinulungan ni Terrol na manganak ang ginang sa loob mismo ng kanilang police mobile at saka niya sila dinala sa ospital para mabigyan ng sapat na atensyong medikal.

“Hindi man natin trabaho ang magpaanak, hindi kayo nagdalawang-isip na magbigay ng ganitong klaseng serbisyo,” pahayag ni Eleazar habang pinapupurihan si Terrol at iba pang tauhan ng Ormoc City Police Station 3. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.