Una sa Balita

Pulis nagpakamatay matapos mang-hostage sa Ilocos Sur

By
0 260

NAGPAKAMATAY ang isang pulis sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo matapos mang-hostage ng isang babae sa loob ng anim na oras sa isang subdivision sa Barangay Aggay, Bantay, Ilocos Sur noong Biyernes.

Kinilala ni Bantay Police Station (BPS) chief of police Sr. Insp. Ramil Llaneras ang pulis na si PO1 Rolly Dizor ng San Sebastian, San Vicente ng nasabing lalawigan at kasaluku­yang nakatalaga bilang gate officer ng Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO).

Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente alas-12:06 ng hatinggabi noong Biyernes sa isang subdivision sa nasabing barangay.

Ayon kay Llaneras, bago ang pagpapakamatay ay nang-hostage si Dizor ng isang babae at ginawang human shield habang nagkakaroon ng negosasyon sa mga nagrespondeng pulis.

Sinabi ni Llaneras, bago mangyari ang hostage ay naka-duty umano ang suspek nang tawagan nito ang ina at nagpapasundo dahil masama ang ­pakiramdam.

Habang sakay ng tricycle ay bigla umanong nag-iba ang kilos ng suspek at sinabing may armadong lalaki na papatay sa kanya.

Pinatigil nito ang tricycle at saka umakyat sa bakod ng subdivision at dito na nang-hostage.

Hindi sumuko si Dizor sa kapwa niya pulis bagkus nagbaril ito sa sarili kung saan dead-on-arrival ito sa ospital.