Una sa Balita

Pulis na sangkot sa kidnap for ransom bumulagta, 3 pa arestado

0 632

Patay ang isang aktibong pulis habang naaresto ang tatlong kasamahan nitong sangkot sa kidnap for ransom sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng kanilang mga kapwa pulis, sa isang construction site sa Wes­tern Bicutan, Taguig City kahapon nang madaling-araw.

Tadtad ng bala nang hindi pa mabatid na kalib­re ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan si PO1 Gererdo Ancheta, nasa hustong gulang at nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP)-1 ng Taguig City Police.

Arestado naman ang mga kasamahan nito na nakilalang sina PO1 Bryan Amir Bajoof, PO1 Paolo Ocampo at si PO2 Joey Maru na sinasabing lider ng grupo at pawang nakatalaga sa nasabing himpilan ng pulisya.

Batay sa isinumiteng report ni Senior Supt. Alexander Santos, hepe ng Taguig City, alas-3:30 nang madaling-araw nang maganap ang engkuwentro sa Tandem St. Arca South, sakop ng Food Terminal Inc. (FTI) sa Western Bicutan, Taguig City.

Ayon kay Santos, unang biniktima ng nasabing grupo ang bahay ng live-in parner ng isa umanong drug dealer makaraang pasukin ang tirahan nito at tangayin ang P50,000 halaga ng gamit.

At nitong Hulyo 30, alas-8:30 nang gabi ay dinukot naman ang magkasintahan na sina Ro­nielyn Caraecle at alyas ‘Samuel’ sa Viscara St., Barangay New Lower Bicutan ng naturang lungsod, na sinasabing sangkot rin sa droga.

Dinala ng mga ito sa isang lugar ang magkasintahan at sapilitang kinuha ng mga pulis ang P70,000, dalawang gintong relo at Louis Vuitton na wallet.

Para aniya makalaya, hiningian ng mga suspek ang magkasintahan ng P200,000 subalit P20,000 lamang ang naibigay nila dahil ito lamang ang nahagilap na halaga ng mga kaanak ni Caraecle.

Kung kaya’t pinalaya muna ng mga suspect ang babae at naiwan ang nobyo nito sa mga pulis.

Sinabihan ng mga suspect si Caraecle na maghagilap ito ng pera para makalaya ang kanyang boyfriend.

Dito na nagsumbong si Caraecle sa tanggapan ng Taguig City Police mula sa sinapit nila sa apat na pulis na dumukot sa kanila.

Kung kaya’t nagkasa ng entrapment operation ang mga kagawad ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Special Operation Unit (SOU) kontra sa kanilang mga kabaro.

Alas-3:30 kahapon nang madaling-araw sa Tandem St., Arca South, Brgy. Western Bicutan ay nagkaroon na ng engkwentro sa pagitan ng grupo ng SDEU, SOU at mga suspect.

Sa palitan ng putok, bumulagta si PO1 Ancheta habang ang mga kasamahan nitong sina Maru, Bajoof at Ocampo ay nadakip.

Sa ngayon ay sasampahan ng kasong illegal detention at kidnap for ransom ang mga nasabing pulis.

Ayon pa kay Santos, marami na silang natatanggap na reklamo kaugnay sa iligal na aktibidad ng mga naturang mga pulis.

Samantala, sinibak na sa puwesto ang 39 ng pulis na nakatalaga sa PCP-1 kabilang ang PCP commander na si Senior Inspector Joel Villapan.