Una sa Balita

Pulis na pasaway?

By
0 544

Ano kayang kinakain ng mga pulis, lalo na ang mga bagito, na tila nagpapainit ng kanilang katawan kaya nasasangkot sa kung ano-anong kalokohan – lalo na ang tungkol sa kamanyakan.

Sabi ng ating kurimaw, mabuti na lang at wala siya sa Baguio City at kung hindi eh baka naparusahan siya. Hindi raw kasi niya mapipigil ang sarili na hindi mapapamura kaugnay sa mga reklamong luma­labas tungkol sa mga bagitong pulis na may ranggong Police Officer 1 (PO1) na inaakusahan ng panghahalay sa kanilang naaresto o kaanak ng kanilang inaresto.

Matapos kasing lu­mabas ang balita tungkol sa 15-anyos na babae na ginahasa umano ng isang bagitong pulis-Maynila kapalit ng pagpapalaya sa kaniyang mga magulang na nahuli kaugnay sa droga, aba’y dalawang bagitong pulis-Quezon City naman ang inakusahan ng panghahalay sa isang 22-anyos na babae na nahuli naman dahil sa pagsusugal.

Sa isang ulat nga mga tsong noong nakaraang Enero, lumitaw sa datos ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) na 70% ng mga pulis na nahaharap sa mga kasong administratibo bunga ng iba’t ibang reklamo ay may ranggong PO1 hanggang PO3.
Mukhang walang epekto at hindi nanghihinayang ang mga pulis na ito, lalo na ang mga PO1, sa mawawala nilang suweldo na ginawa nang doblado ni President Mayor Duterte ngayong taon na halos P30,000 isang buwan mula sa dating mahigit P14,000 lang.

Kung matatandaan niyo, nitong Marso, isang buntis ang nagsumbong na inabuso siya ng tatlong pulis na may mga ranggong PO1 at PO2 sa Meycuayan, Bulacan.

Ang matindi, bukod sa naturang ginang, may sumunod na menor de edad na lumantad din at sinabing nakaranas ng katulad na pang-aabuso sa mga pulis. At ang tatlong pulis na inaakusahang pumatay sa binatil­yong si Kian delos Santos sa Caloocan, aba’y may ranggo ring PO1 at PO3. Marami ring bagitong pulis ang sabit sa pangingikil at kung ano-ano pang kalokohan na gawain ng mga kriminal na dapat na hinuhuli nila.

Sa isang pagdinig ng Senado noong Hun­yo, nabanggit ng isang opisyal na IAS na mula Hulyo 2016 hanggang nitong Mayo, nasa 278 pulis ang natanggal sa serbisyo nang dahil naman sa pagkakasangkot sa droga. At sa naturang bilang 58 ang PO3, 66 ang PO2 at 116 ang PO1.

At sa datos naman mula sa Napolcom noong 2016, nasa 4,000 bagitong mga pulis daw ang may mga nakabinbin na kaso at mahigit sa 1,000 ay mga PO1.

Ang tanong lang siguro ng iba, papaano kaya iyong ibang ‘biktima’ na takot lumantad dahil baka balikan sila ng mga pasaway na pulis? Bakit nga naman hindi, sakaling mawala sila sa serbisyo at makalaya, anong proteksiyon ng mga biktima kapag rumesbak ang mga pulis? Siyempre, may mga ‘ka-buddy’ rin na pulis ang mga inirerekla­mong pulis na maaaring manakot sa mga biktima na huwag nang magreklamo o iurong ang reklamo.

Inaakusahan nga ng isang non-governmental organization ang PNP na lumala raw ang ‘palit-puri’ o ‘kama o kulong’ modus na panakot ng mga pulis sa mga naaresto nilang drug suspect o kamag-anak ng nadakip na sangkot sa droga.
Bagaman maliit pa rin naman kung tutuusin ang bilang ng mga bugok at pulis na pasaway, kumpara sa mga matitino, hindi pa rin maitatanggi na kailangan talagang gumawa ng hakbang ang kapulisan kung papaano malilinis ang kanilang hanay na nakasisira sa kanilang institusyon. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy