Una sa Balita

Pulis na ‘di kuntento sa sahod, you are free to go! — Digong

By
0 640

MAY opsyon ang mga pulis na hindi kuntento sa kanilang sahod sa halip na gumawa ng katiwalian.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya ang mga pulis na umalis na lamang sa serbisyo kaysa magtiis kung ina­akalang hindi sapat ang kanilang take-home pay para sa kanilang pamilya.

Sa kanyang pagdalo kahapon sa ika-117 Police Service Anniversary sa Kampo Crame, binilinan ng Pangulo ang mga pulis na iwasan ang korapsiyon o gumawa ng mga aksiyon na makakasira sa imahe ng ins­titusyon.

Sinisikap aniya ng liderato ng Philippine National Police (PNP) na ibangon ang imahe kasabay ang ginaga­wang paglilinis sa kanilang hanay.

Hiniling ng Pa­ngulo sa mga miyembro ng PNP na magsilbi nang tapat sa bansa at gawin ang tama para sa sambayanan.

“All that I ask is that we serve our country the utmost good faith. Do not go into corruption. If you think that you cannot survive with the salary, then you are free to go,” anang Pangulo.

Matatandaang dinoble ni Pangulong Duterte ang sahod ng mga pulis at sundalo para hindi na gumawa ang mga ito ng mga hakbang para lamang madagdagan ang kita.