Una sa Balita

Pulis kulong sa panggugulpi ng asawa

By
0 258

INIREKLAMO sa pulisya ng isang ginang sa Taguig City, kamakalawa ng gabi, ang kanyang asawang pulis dahil sa walang habas na pananakit sa kanya.

Dakong alas-8:30 ng gabi nang arestuhin ng pinagsanib-puwersa na mga tauhan ng Southern Police District at National Bureau of Investigation (SPD-NBI) ang aktibong pulis na si PO1 Jeffrey Amador y Larez, 29-anyos, nakatalaga sa Taguig Police Station at residente ng Providencia St. Brgy. Central Signal ng nasabing lungsod.

Batay sa isinumiteng report ni SPD Director Chief Supt. Apolinario Tomas Jr., nag-ugat ang operasyon maka­raang magtungo sa tanggapan ng NBI ang asawa ng pulis na si Michelle Amador y Villasotto, 22-anyos, at nagharap ng reklamo hinggil sa umano’y madalas na pananakit sa kanya ng suspek kahit walang dahilan.

Base pa sa sumbong ni Michelle, pu­masok sa pagkapulis ang kanyang asawa noong Disyembre 29, 2014 at ito umano ay sangkot na sa iligal na droga.

Inakala ng ginang na magbabago na ito, pero sa halip ay lalo pang lu­mala.

Aniya, naging bayolente na ang kanyang asawa at lagi umano siyang sinasaktan. Hindi na umano niya ma­tiis ang pananakit nito kaya’t nagdesis­yon siyang isuplong na ito sa pulisya.

Nakumpiska kay PO1 Amador ang limang pirasong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga at isang kalibre 45 baril.