Una sa Balita

Pulis dedo sa semplang

0 344

NASAWI ang 41-anyos na pulis nang banggain ng isang pampasaherong jeepney ang kanyang minamanehong motorsiklo at nasagi pa ang isang Traffic Enforcer sa Bacoor City, Cavite.

Namatay habang ginagamot sa St. Dominic Medical Center ang biktimang si PSMS. Herbert Salazar, may asawa, nakatalaga sa Pasay City Police Station habang ginagamot din sa nasabing ospital si Traffic Enforcer Arnold Oserio, 50 ng Brgy. Habay 2, Bacoor City, Cavite.

Arestado naman ang driver ng isang pampasaherong jeepney na may plakang DJN 579 na si Reggie Cruzada, 28, binata ng 29A Evangelista St., Brgy. Talaba 5, Bacoor City, Cavite.

Alas-2:30 kahapon ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa intersection ng Aguinaldo Highway, sa Brgy. Talaba kung saan minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo patungo sa direksiyon ng Bacoor Boulevard at kakaliwa sana patungo sa kabilang kalsada nang mabangga siya ng minamanehong pampasaherong jeepney ni Cruzada na patungo naman sa Zapote.

Dahil sa pangyayari, tuluyang nawalan ng kontrol sa manibela si Cruzada at nasagi pa nito ang traffic enforcer na si Oserio na noon ay nagmamando ng trapiko.

Kapwa isinugod sa ospital ang dalawa subalit hindi na nailigtas si Salazar. (Gene Adsuara)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More