Una sa Balita

Pulis dedo sa rider; bystander sugatan sa ligaw na bala

By
0 927

NASAWI ang isang miyembro ng Anti-Crime Unit ng Manila Police District-Police Station 4 nang pagbabarilin ng isang rider­ habang sugatan naman ang isang bystander nang tamaan ng ligaw na bala, kamakalawa nang hapon sa Sampaloc, Maynila .

Namatay noon din ang biktimang si PO2 Joel Padre Juan, 40, nakatalaga sa Anti-Crime Unit ng Manila Police District (MPD)-Station 4, at residente ng Sampaloc, habang sugatan ­naman at ginagamot sa Ospital ng Sampaloc si Gilbert Barid, 32, residente ng 949 Batanes St., Sampaloc.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Bernardo Cayabyab ng MPD-homicide section, dakong­ alas-5:15 nang hapon kamakalawa­ nang maganap ang krimen sa G. Tuazon St., kanto ng Mindoro St., sa Sampaloc.

Sa nakuhang CCTV record sa lugar, makikita na sinundan ng gunman ang pulis habang binabaybay ang G. Tuazon St. sakay ng motorsiklo.

Pagdating sa kanto ng Min­doro St. ay dito na pinagbabaril ng suspek ang walang kamalay-malay na pulis, na kaagad na binawian ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, saka mabilis na tumakas bitbit ang baril na ginamit sa krimen.

Tinamaan ng ligaw na bala si Barid na kaagad isinugod sa pagamutan upang malunasan.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek upang mapanagot ito sa batas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy