Una sa Balita

Pulis-Caloocan lalong nadiin sa Carl murder

By
0 4

Lalo pang nadiin ang dalawang pulis-Caloocan na itinurong pumatay kay Carl Angelo Arnaiz matapos umano nitong holda­pin ang isang taxi driver.

Sa salaysay ng taxi driver na si Tomas Bagca­l sa pagdinig kahapon ng Senate committee on publi­c order and dangerous drugs, itinuro nito sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita, at sinabing nakaluhod pa si Arnaiz nang barilin ng dalawang pulis sa C-3 Road Caloocan City noong Agosto 18.

“Binaril po ang hol­daper (Arnaiz) nang nakaluhod,” sabi ni Bagcal.

Ganito rin ang naging testimonya ng isa pang testigo na nagpakilala sa alyas na ‘Joe Daniel’ nang humarap sa Senado na balot na balot ang mukha.

Itinuro niya sina Pe­rez at Arquilita na bumaril ng dalawang beses kay Arnaiz at pagkatapos nito ay isa anya sa mga pulis ang bumalik sa mobile car at may kinuhang bagay saka inilagay sa biktima.

“Napalingon pa sa akin ang bata bago siya binaril nang nakaluhod at nakaposas,” pahayag ni Joe Daniel.

Pareho din ang sinabi ng dalawa na may isa pang lalaki na nasa loob ng mobile car na hinihinalang ang pinatay din na si Reynaldo De Guzman.